Meralco: Walang putulan ng kuryente hanggang katapusan ng Agosto

ABS-CBN News

Posted at Jun 29 2020 05:23 PM | Updated as of Jun 29 2020 07:07 PM

Inanunsiyo ngayong Lunes ng Meralco na walang ilalabas na disconnection notice hanggang katapusan ng Agosto kaya wala ring putulan ng koneksiyon sa mga hindi pa makakakumpleto ng bayad ng mga lumobong bill sa kuryente.

Ayon kay Meralco Spokesperson Joe Zaldarriaga, kahit iyong una sa 4 na hati ng staggered electricity bill ang mabayaran ng kostumer, ligtas na ito sa putulan ng koneksiyon.

Maaari din umanong ma-extend ang hindi pagputol sa mga koneksiyon mula katapusan ng Agosto hanggang Seytembre o sa mga susunod na buwan.

"We will extend it up to end of August and perhaps if needed, it might be further pushed more in terms of 'yong length ng duration," ani Zaldarriaga.

Iniisa-isa na rin ng Meralco na kausapin ang mga kostumer na nagrereklamo ukol sa lumobong bayarin, sabi ni Zaldarriaga.

Tiniyak din ng Meralco na ibabawas sa kasalukuyang bill ang mga nabayarang estimated bill noong naka-lockdown.

"If you have paid for that, that is okay because it will also be reflected as a reduction o deduction doon sa inyong June bill," ani Meralco head of commercial operations Agnes Macob.

Nabasahan na ng metro ang halos 7 milyong kostumer.

Pero aminado ang kompanya na wala pang kalahati ng kanilang kostumer ang nakapagbayad ng buong bill mula Marso hanggang Hunyo.

Ang problema, ayon kay Meralco utility economics head Larry Fernandez, ay sinisingil ang kompanya ng suppliers ng kuryente.

Ngayong Lunes din nagsumite ng paliwanag ang Meralco sa show cause order ng Energy Regulatory Commission sa sinasabing paglabag sa utos kaugnay ng bayarin sa kuryente.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.