PatrolPH

Presyo ng petrolyo muling tataas sa Hunyo 29

ABS-CBN News

Posted at Jun 28 2021 12:05 PM | Updated as of Jun 28 2021 06:22 PM

MAYNILA (UPDATE) — Muling magkakaroon ng pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo sa Martes, Hunyo 29, sabi ngayong Lunes ng mga oil company.

Ito na ang ikalimang sunod na linggong nagkaroon ng pagtaas ng presyo sa petrolyo.

Ayon sa Shell, Cleanfuel, PetroGazz, Caltex, Seaoil, PTT Philippines, Petron, Flying V at Phoenix Petroleum, P1 ang kanilang dagdag sa presyo ng kada litro ng gasolina habang P0.65 naman sa kada litro ng diesel.

Tataasan din ng Shell, Caltex, Seaoil, Petron at Flying V nang P0.70 ang presyo ng kada litro ng kanilang kerosene.

Epektibo ang mga bagong presyo alas-6 ng umaga maliban sa Caltex na mag-a-adjust alas-12:01 ng hatinggabi at Cleanfuel na magpapalit alas-4:01 ng hapon.

Ayon sa mga taga-industriya, nagkaroon ng taas-presyo dahil patuloy na humihina ang palitan ng piso kontra dolyar habang umaakyat ang demand o pangangailangan ng langis sa Amerika, Europa at China.

— Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

RELATED VIDEO:

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.