Hiling ng Manila Water ang P8.31 na dagdag-singil kada cubic meter; P11 sa Maynilad
Hindi nakaligtas sa pang-uusisa ng consumer groups ang water concessionaires na Manila Water at Maynilad na sumalang sa kauna-unahang public consultation ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System regulatory office (MWSS-RO) nitong Miyerkoles.
Unang bumanat si Bayan Muna Chairman Neri Colmenares na nagtanong kung magkano ang hirit na dagdag at kung kasali ba sa hirit ang corporate income tax, legal expenses sa mga kasong isinampa laban sa MWSS, at sports activities.
Walang malinaw na sagot ang MWSS-RO sa aktuwal na hiniling dahil pinag-aaralan pa raw ito.
Sabi naman ng Water For All Reform Movement (WARM), ilang ulit na silang sumulat para humingi ng mga dokumento pero di raw sila binibigyan ng MWSS-RO.
Nagbanta ang WARM na kakasuhan sa Ombudsman ang mga opisyal na hindi sumasagot sa mga concern ng mga consumer groups.
Kalauna'y hiniling na ng MWSS-RO na sagutin ng Manila Water ang mga tanong.
Ibinunyag ni Manila Water spokesman Jeric Sevilla na P8.31 kada cubic meter ang hirit nilang dagdag singil sa tubig para sa susunod na water rate rebasing para sa taong 2018-2022.
Kinahapunan, sa public hearing naman kaugnay sa Maynilad, sinabi ni Maynilad corporate and financial planning head Cybelle Regalado na mahigit P11 kada cubic meter ang hirit na dagdag singil ng kompanya.
Pagkatapos ng hearing, nilinaw ng MWSS-RO na nag-alangan silang ilabas ang hiniling na dagdag-singil dahil baka mag-panic ang konsumer.
Hindi naman daw kasi ibig sabihin na kung ano'ng petisyon ay 'yon din ang pagbibigyan dahil pag-aaralan pa ang mga dokumento at hiling ng Manila Water.
-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, TV Patrol, TV Patrol Top, balita, water, water rate, tubig, singil sa tubig, water concessionaire, Maynilad, Manila Water, Metropolitan Waterworks and Sewerage System, regulatory office, MWSS, MWSS-RO