ALAMIN: Payo ng mga bangko para makaiwas sa phishing

ABS-CBN News

Posted at Jun 26 2020 06:56 PM | Updated as of Jun 28 2020 10:52 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Sa isang iglap, nawala ang P47,000 na ipon ni “Trina” at ng kaniyang asawa para sa kanilang sanggol na anak.

Madalas na nga raw niyang tinitingnan ang kaniyang savings balance sa isang bangko dahil sa mga balitang may mga taong nawawalan ng pera.

Isang umaga, nakita pa raw niya ang pera sa kaniyang account gamit ang mobile app. Pero noong hapon ng araw na iyon, bigla na lang daw ito nawala.

“Magse-seven months pa lang 'yung baby namin pero dahil naranasan namin 'yung hirap ng buhay, ginawa namin ang lahat para makapag-ipon para sa future ng anak namin,” ani “Trina.”

Nakipag-ugnayan si Trina sa kaniyang bangko pero ilang linggo na ang lumipas at hindi pa rin nababalik ang kaniyang pera.

Ayon sa bangko, “approved” ang pag-withdraw ng pera ni Trina kaya mahirap sabihin na ninakaw talaga ito.

Posibleng biktima si Trina ng phishing scam kung saan ginagamit ng mga manloloko ang pag-email text o tawag para makakuha ng sensitibong impormasyon para manakawan ang isang bank account o credit card.

Ayon kay Jonathan Jon Paz, Enterprise Information Security and Data Protection Officer ng Bank of the Philippine Islands (BPI), aabot sa 65 porsiyento ang itinaas ng mga phishing attempt sa buong mundo sa unang 3 buwan ng 2020.

Higit 1.5 milyong phishing website na rin ang ginagawa kada buwan, ayon sa isang pag-aaral.

Giit ni Paz, maaaring ganito na raw ang sitwasyon sa Pilipinas kung saan may tantiyang higit 100,000 phishing websites ang ginagawa kada buwan.

Isang modus operandi ay ang pagtawag sa mga posibleng biktima.

“Ang usual na script noon, [ang sinasabi] 'Mayroon po kayong natanggap na one-time password, pakibigay po sa akin 'yun.' Kung titingnan mo 'yung one-time password ng SMS, nakalagay doon 'yung detalye ng transakyon so marami sa mga nabibiktimang kababayan in-ignore na 'yung mismong laman ng text,” ani Paz.

Kaya paalala rin sa publiko ng BDO, malamang scam ang isang e-mail, website, o text message kapag hiningi nitong mag-verify ng mga link para i-reactivate o unblock ang isang account.

Huwag din daw magpaloko sa mga tawag na nagpapanggap na telco para i-upgrade ang network connection.

Madalas ginagamit lang ito ng mga kriminal para makuha ang mobile number at ma-access ang iyong bank account.

Nakikipagtulungan na raw ang Bangko Sentral ng Pilipinas sa mga awtoridad para masugpo ang mga phishing scammer.

— Ulat ni Bruce Rodriguez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.