PatrolPH

Limitasyon sa dami ng puwedeng bilhing pagkain sa supermarkets inalis na

April Rafales, ABS-CBN News

Posted at Jun 25 2020 05:20 PM

MAYNILA — Inalis na ng Department of Trade and Industry ang limitasyon sa bilang ng mga nabibiling food products sa mga supermarket, na pinairal nang unang mag-lockdown ang ilang bahagi ng bansa dahil sa coronavirus disease.

Ayon kay Trade Undersecretary Ruth Castelo, may sapat nang supply ng raw materials ang food manufacturers at tiyak na hindi na magkakaproblema sa supply ng food products.

"We get the reports weekly so alam natin ang production levels nila and the retail inventory, 'yong mga nasa supermarkets and groceries," sabi ngayong Huwebes ni Castelo.

"They can produce anytime and then the retailers have sufficient stocks," ani Castelo.

Pero nananatiling may limitasyon sa dami ng mabibiling disinfecting alcohol, hand sanitizers, disinfecting liquids, at face masks.

Base sa memorandum na inilabas ng DTI noong Miyerkoles, narito ang quantity limit:

  • Disinfecting alcohol - 5 bottles for sizes 1 liter and below; 3 bottles for sizes more than 1 liter
  • Hand sanitizer - 5 bottles for sizes 1 liter and below; 3 bottles for sizes more than 1 liter
  • Disinfecting liquids - 5 bottles for sizes 1 liter and below; 3 bottles for sizes more than 1 liter
  • Face masks (N95 and N88) - 1 box of 50 pieces

"Para lang masigurado na mayroon tayo palaging supply sa shelves," ani Castelo.

Ayon kay Castelo, binabantayan din nila kung magkakaroon pa rin ng hoarding sa mga supermarket.

Natuwa naman si Philippine Amalgamated Supermarkets Association President Steven Cua dahil matagal na umano nilang hiniling sa DTI na alisin ang purchase limit.

"Ngayon dumami na ang supply, we can sell at bigger volumes," ani Cua.

HAIR DYE, PANCAKE MIXES

Ayon kay Cua, tumaas naman ang demand para sa hair dye at pancake mixes.

Ipinaliwanag ng DTI na dahil marami pa ring salon ang nananatiling sarado, do-it-yourself ang ginagawa ng mga tao sa pagkukulay ng buhok.

Marami rin umanong mahilig magluto at kumain sa bahay kaya tumaas ang demand ng pancake mixes.

Tiniyak ng DTI na hindi tataasan ang presyo ng 2 produkto sa kabila ng mas mataas na demand.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.