Bakit lingguhan, pare-pareho ang galaw ng presyo ng petrolyo?

ABS-CBN News

Posted at Jun 25 2019 07:40 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Muling lumobo ang presyo ng produktong petrolyo sa unang araw ng trading sa pandaigdigang merkado noong Lunes.

Nasa P1.32 ang iminahal ng kada litro ng imported gasoline habang P0.91 naman sa kada litro ng diesel.

Sakaling magpatuloy hanggang Biyernes, maaaring tumaas muli ang presyo ng produtkong petrolyo sa susunod na linggo.

Subalit bakit nga ba lingguhan ang galaw sa presyo gayong may lumang imbentaryo pa naman ang mga kompanya ng langis?

Dati, minsan lang sa isang buwan ang pagbabago sa presyo ng petrolyo pero ginawa itong lingguhan simula noong 2008.

"Para sabay-sabay, nagkaroon ng weekly adjustment. At saka hindi rin mabigat kasi kung monthly tapos pataas, malaki, parang one-time, big-time na increase iyon," ani Rodela Romero, assistant director ng Oil Industry Management Bureau sa ilalim ng DOE.

Walang pormal na utos ang lingguhang galaw sa presyo, ayon kay dating Energy Undersecretary Jay Layug.

Inimbestigahan din noon ng DOE ang pare-parehong price adjustment ng mga oil company.

"Pare-pareho 'yong paggalaw weekly pero 'pag pumunta kayo sa gasolinahan, iba-iba siya," ani Layug.

Para kay Layug, walang poder ang gobyerno na pilitin ang mga oil company na isiwalat ang kanilang mga kita.

"Kailangan tayo magpalit ng batas kung gusto nating i-regulate nang buong-buo ang presyuhan ng gasolina o diesel sa merkado," ani Layug.

Magiging epektibo simula Hulyo 4 ang utos ng DOE na "unbundling" o paghimay sa presyuhan ng produktong petrolyo. 

Kasama sa mga isusumite ng mga oil company sa kagawaran ang kita ng kada kompanya — bagay na tinututulan ng mga kompanya.

Ayon kay Romero, may kapangyarihan silang hingin ang lahat ng impormasyong may kinalaman sa tamang presyo ng petrolyo.

"Ang pagkuha ng information, hindi iyon regulation. Nandoon sa additional power naman 'yan ng secretary namin na kumuha ng impormasyon," ani Romero.

Nagsampa nitong Martes ng kaso sa korte ang Petron, bukod pa sa Shell at ibang kompanya, para ipatigil ang utos na unbundling. --Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.