Maynilad, Manila Water customers puwedeng mag-promissory note sa water bill

Alvin Elchico, ABS-CBN News

Posted at Jun 24 2020 04:38 PM | Updated as of Jun 24 2020 07:59 PM

Watch more in iWantTFC

Inihayag ng water concessionaires na Maynilad at Manila Water na maaaring kumuha ng promissory note ang kanilang kostumer na hindi kayang habulin ang deadline sa pagbayad sa lumobong singil sa tubig.

"Nagkaroon po ng promissory arrangement so maaari pong another 2 months or another 3 months, depende sa kapasidad noong customer natin na makapagbayad," ani Manila Water Spokesperson Jeric Sevilla.

"Maaari po silang lumapit sa aming business areas para magawan sila ng mas maagang payment arrangement depende po doon sa puwedeng mapag-usapan kung gaano katagal ang pagbabayad nila," sabi naman ni Maynilad Spokesperson Zmel Grabillo.

Kung desidido umano ang kostumer na kuwestiyunin ang lumobong bill, puwedeng hindi muna sila magbayad.

"Puwede naman po na hindi pa nila bayaran kung duda po sila kaya lang tatandaan po ng ating customer na magpapatong-patong po lalo na kung darating ulit ang kasunod na buwan," ani Grabillo.

Nauna nang sinabi ng parehong concessionaire na may hanggang July 31 para bayaran nang pautay-utay ang bill noong lockdown para sa mga komukonsumo ng lagpas 10 cubic meters kada buwan.

Ang mga lifeline user naman, o iyong hanggang 10 cubic meters ang konsumo kada buwan, ay may hanggang Agosto 31 para mabayaran ang bill, na puwede ring utay-utay.

Nilinaw din ng Manila Water at Maynilad na kahit hindi nagamit ang tubig, lalo na sa mga establisimyentong sarado noong lockdown, may minimum bill pa rin dahil kasali raw ito sa kontrata ng kostumer sa kanila.

Ayon naman kay Bayan Muna Chairman Neri Colmenares, dapat ilibre na lang ang isang buwang bayarin sa tubig.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.