Presyo ng petrolyo muling tataas sa Martes

ABS-CBN News

Posted at Jun 24 2019 12:15 PM | Updated as of Jun 24 2019 08:12 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATE) Sa ika-2 sunod na linggo, magkakaroon ng pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo, na epektibo simula Martes, Hunyo 25.

Nasa P0.55 ang dagdag sa presyo ng kada litro ng diesel at P0.30 sa kada litro ng gasolina, ayon sa Shell, Petro Gazz, PTT Philippines, Cleanfuel, Seaoil, Caltex, Eastern Petroleum, Phoenix Petroleum, Total, Petron, at Flying V.

Magpapatupad din ang Shell, Seaoil, Caltex, Petron at Flying V ng P0.45 taas-presyo sa kerosene.

Epektibo ang mga bagong presyo simula alas-6 ng umaga maliban sa Caltex na magpapatupad alas-12:01 ng hatinggabi at Cleanfuel na alas-4 ng hapon.

Utos na 'unbundling' ipinatitigil

Habang pataas ang presyo ng langis, ipinatitigil naman ng mga kompanya ng langis sa korte ang utos ng Department of Energy (DOE) na unbundling o ang paghimay sa presyuhan ng petrolyo.

Humirit nitong Lunes ang Shell ng temporary restraining order (TRO) sa Taguig Regional Trial Court.

Iginiit ng Shell na pabalik sa regulasyon ang gustong gawin ng DOE na makakaapekto daw sa "timing" ng galaw sa presyo ng petrolyo.

Posibleng makasama rin daw sa kanila ang pagsumite ng ilang sensitibong dokumento.

Naunang naghain noong Biyernes ang Philippine Institute of Petroleum, Isla LPG, PTT Philippines at Total ng kaso para maglabas ng TRO laban sa "unbundling order."

Hihirit din daw ng TRO ang mga independent oil player.

Ayon kay Energy Assistant Secretary Bodie Pulido, tanggap nila ang mga kaso pero karapatan ng gobyerno na malaman kung tama ang presyo ng petrolyo.

"Kami po ay may mandato pa rin na tingnan na tama 'yong presyong ginagamit nila at walang tinatawag nating anti-trust na mga pangyayari," ani Pulido.

"Makakatulong itong circular na ito para malaman natin kung ano ang tamang presyo," dagdag ni Pulido.

Dismayado rin ang grupong Laban Konsyumer sa pagkuwestiyon sa paghimay ng presyo.

Sakaling walang ilabas na TRO, tuloy ang pagpapatupad sa unbundling sa Hulyo 4.

--Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.