PatrolPH

Manila Water, Maynilad customers nadismaya sa mga lumobong water bill

ABS-CBN News

Posted at Jun 23 2020 05:15 PM | Updated as of Jun 23 2020 06:45 PM

Watch more on iWantTFC

Nadismaya si Evelyn Francisco nang matanggap ang bill nila sa tubig dahil umabot sa higit P18,000 ang singil ng Manila Water para sa 3 buwang konsumo.

Tatlong pamilya sila Francisco na maghahati-hati ng tig-P6,000 gayong P4,000 na ang pinakamataas nilang buwanang bill bago ang coronavirus lockdown.

Ayon kay Francisco, hindi nila kakayanin ang mga bayarin dahil walang trabaho noong lockdown.

Nagulantang din ang labanderang si Desiree Picog sa P15,000 bill sa tubig mula sa Maynilad.

Bad timing daw ito dahil walang trabaho ang mister ni Picog.

May paliwanag naman ang Maynilad at Manila Water kung bakit lumobo ang mga bayarin sa tubig.

Una rito ay tag-init at ikalawa ay dahil sa quarantine, nasa bahay ang lahat ng miyembro ng pamilya kaya lumakas ang konsumo sa tubig.

Tiniyak naman ni Manila Water Spokesperson Jeric Sevilla na ang kanilang bill ay base sa basa ng metro.

Ayon naman kay Maynilad Spokesperson Zmel Grabillo, dahil sa lockdown, mas malaki talaga ang konsumo nitong mga nagdaang buwan kompara noong umpisa ng taon.

Wala rin isinama sa bill ang Maynilad na hindi nasukat ng metro, ani Grabillo.

Nauna nang sinabi ng parehong concessionaire na may hanggang July 31 para bayaran nang pautay-utay ang bill noong lockdown para sa mga komukonsumo ng lagpas 10 cubic meters kada buwan.

Ang mga lifeline user naman, o iyong hanggang 10 cubic meters ang konsumo kada buwan, ay may hanggang Agosto 31 para mabayaran ang bill, na puwede ring utay-utay.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.