Kumukuha ng kursong plumbing sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang 28 anyos na si Racel Villacrusis.
Ito ang unang beses magsanay ni Villacrusis — isang dating security guard at receptionist — ng gawaing may kinalaman sa konstruksiyon.
"Natuto na akong mag-layout, mag-drawing ng plano," ani Villacrusis.
Puwede nang pag-aralan ang mga kursong konstruksiyon na alok ng TESDA sa mga lokasyon mismo ng mga proyektong pangimpraestruktura ng gobyerno, gaya ng mga nasa ilalim ng programang "Build, Build, Build."
Ang "project-based on-site training" ang nakikitang solusyon ng TESDA at Department of Public Works and Highways (DPWH) para punan ang kakulangan sa construction workers sa mga proyekto ng "Build, Build, Build."
"Hindi na sila pupunta pa sa mga training center. Kami ang magdadala ng trainors doon," ani TESDA Director General Isidro Lapeña.
"Using the equipment ng construction companies at DPWH, they are able to train on site," ani Lapeña.
Libre ang pagsasanay at assessment para sa certification.
Makatatanggap din ng allowance ang isang TESDA trainee habang nagsasanay.
Pagkatapos magsanay at kung makapapasa sa kompanya, maaaring i-absorb ng construction company ang trainee sa proyekto na pinagsanayan.
--Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, hanapbuhay, trabaho, Build Build Build, Technical Education and Skills Development Authority, construction, TV Patrol, Zen Hernandez, TV Patrol Top