DTI may alok na pautang sa mga negosyanteng kapos dahil sa taas-presyo

ABS-CBN News

Posted at Jun 23 2018 07:47 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Naniniwala ang grupo ng mga may-ari ng supermarkets na tuloy-tuloy na ang pagtataas ng presyo ng mga pangunahing bilihin hanggang matapos ang taon.

"Pagkakataon na rin ito para sa mga manufacturers na magtaas ng presyo...Kasi ilang taon na ring walang masyadong increase," ani Steve Cua, presidente ng Philippine Amalgamated Supermarkets Association.

Ayon pa kay Cua, kapag nagtaas ng presyo ang mga manufacturer ay wala ring magagawa ang mga retailer tulad nila kung hindi mahalan ang mga benta para hindi naman daw sila malugi.

Sa pagmo-monitor ng Department of Trade and Industry (DTI), nagmahal talaga ang presyo ng ilang pangunahing bilihin gaya ng ilang brand ng canned meat products, condiments, sabon at, baterya.

Isa sa mga umaaray dito ay ang vendor na si Alfred Arocero. Inamin niyang mabenta ang kaniyang tig-P10 banana cue, turon, at karyoka pero pansin niya ay tila hindi pa rin siya gaanong kumikita.

Hindi niya raw kasi maibenta nang mas mahal ang kaniyang tinda kahit ang asukal na ginagamit niya na P2,000 bawat sako noon ay nagtaas na sa P2,500 ngayon.

"Lugi talaga... Ang hirap talaga ngayon. Paano na lang kami kikita?" ani Arocero.

Kaya ang DTI, tuloy ang pagpapaigting ng kanilang price monitoring.

Katunayan, may mga nakita silang produktong lumampas sa suggested retail price (SRP) kung kaya't sinulatan ng ahensiya ang mga manufacturer ng produktong ito para magpaliwanag.

"Kasi yung SRP, suggested lang naman iyan pero kailangang ma-justify ng manufacturer kung bakit kailangan magdagdag sila ng P1 o P2 diba," ani DTI undersecretary Zenaida Maglaya.

Dagdag pa ni Maglaya, meron silang inaalok ngayon na "P3" o "Pondo sa Pagbabago at Pag-asenso."

Sa P3 program, puwedeng umutang ang maliliit na negosyante ng P5,000 hanggang P200,000 sa pinakamababang interest rate na 2.5 porsiyento.

Halimbawa, sa bawat P1,000 na inutang ay P25 lamang ang interes kada buwan na babayaran.

Anila, ito ay para sa mga maliliit na negosyanteng apektado ng pagmahal ng presyo ng mga bilihin.

--Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.