Utang sa credit card, bangko, posibleng tumaas ang interes

ABS-CBN News

Posted at Jun 22 2018 12:25 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Posibleng madagdagan ang gastos ng mga mahilig gumamit ng credit cards at iba pang may utang sa bangko matapos magtaas ng interest rate ang Bangko Sentral ng Pilipinas nitong Miyerkoles.

Dahil sa pagpapatong ng BSP ng 25 basis points sa overnight borrowing rate, may basehan ang mga bangko ngayon upang magtaas din ng kanilang interes sa credit card at iba pa nilang pautang.
    
Ngayong taon lang, dalawang beses nang nagtaas ng interes ang BSP. 

Kung ang interes sa utang ng isang konsumer ay 3 porsiyento, maaari na itong itaas hanggang 3.5 porsiyento. Halimbawa, sa P10,000 utang na dating P300 pesos lang ang interes ay magiging P350 na matapos ang rate hike. 

Naaalarma naman ang negosyanteng si Jocelyn Gonzales dahil aniya, sa credit card siya umaasa para makapamili ng mga paninda kapag kapos sa pera. 

"Siya lang kasi ang pinakamabilis gamitin...[Pero] kung kaya na 'wag, 'wag na lang, lalo ka malulubog sa utang," ani Gonzales. 

Ayon naman sa BSP, nasa mga bangko ang desisyon kung magtataas sila o hindi. 

"May be some will be quick to reflect these interest rates in their lending rates...Some may probably decide not to reflect it," ani BSP governor Nestor Espenilla Jr. 

Sabi ng isang banker, tama ang abiso ng BSP sa mga konsumer.

"Hindi naman sila dapat mag-alala. Ang importante, ang masigurado na magbayad dahil pataas na ang interes," ani BDO chief market strategist Jonas Ravelas. 

Pero ayon sa isa pang banker, dahil dumarami ang gustong mangutang, hindi talaga maiiwasan ng mga banko ang magtaas ng interes kaya may payo siya sa mga nais mag-loan. 

"Iyung fixed term [sa interes], if you get it at least you'll have an idea of how much you will pay in the next few years," ani Philippine Business Bank president Rolando Avante.

Kaya naman si Gonzales, posibleng mangutang na lamang daw sa mga kaibigan sakaling kapusin kaysa gumamit pa ng credit card. 

"Kailangan maingat ka ring gumamit," giit niya.

--Ulat ni Warren de Guzman, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.