PatrolPH

Ilang tindero kabadong muling sumipa ang presyo ng baboy

ABS-CBN News

Posted at Jun 20 2021 05:45 PM

Ngayon pa lang unti-unting sumisigla ang benta ng sariwang karne mula nang bumaba uli ang presyo ng baboy mula P400 kada kilo.

Sa ngayon, P300 kada kilo ang pinakamababang presyo ng liempo at P310 naman sa kasim sa Metro Manila.

Kaya hindi pa makapagtaas ng presyo sa kaniyang tinda si Carmentica Ola sa takot na mawalan ulit ng benta.

"'Pag nagtaas pa ng mga P10, ayan itataas na ulit namin. 'Pag nagtaas ng P10, P10 rin itataas namin," ani Ola.

Kabado ang mga nagtitinda ng baboy sa abiso ng Samahang Industriya ng Agrikultura (Sinag) na muling magmamahal ang farmgate price dahil sa tumataas na gastusin sa krudo at pagkain ng baboy.

Kaya unti-unti ring aakyat nang nasa P5 kada kilo ang presyo ng baboy sa merkado.

Ayon sa ilang biyahero, wala pang abiso sa kanila ang kanilang mga supplier pero dapat anila matakot ang mga magbababoy na muling magtaas-presyo, lalo ngayong madami ang nagkalat na nagbebenta ng imported na karneng baboy na mas mura kaysa sa sariwa.

"Madami ngang nag-aalok ng mas mababa sa Mindanao ngayon kasi medyo pinayagan na rin ng gobyerno basta kumpleto ng papeles 'yong baboy kahit sa backyard piggery yan, basta kaya magparating ng baboy sa mababang presyo," anang biyahero na si Toto Rillo.

Ayon naman sa Bureau of Animal Industry, nakikipag-usap sila sa feed millers para sa posibleng solusyon sa tumataas na presyo ng mais, na siyang panugnahing sangkap sa kinakain ng mga baboy.

— Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

RELATED VIDEO

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.