PatrolPH

ALAMIN: Dagdag-presyo sa produktong petrolyo simula Hunyo 23

ABS-CBN News

Posted at Jun 20 2020 05:48 PM

MAYNILA - Sa ika-7 sunod na linggo, may dagdag-presyo muli sa produktong petrolyo simula Hunyo 23, Martes. 

Maglalaro sa P0.65 hanggang P0.75 kada litro ang taas-presyo ng diesel at gasolina.

Aabot naman sa P0.20 hanggang P0.30 kada litro ang imamahal ng kerosene. 

Samantala, Shell pa lang ang nag-anunsiyo ng dagdag-presyo sa diesel na nasa P1.60 kada litro. 

Nanawagan naman ang grupong Laban Konsyumer sa Department of Energy na isapubliko ang mga oil company na nagpapatupad na ng dagdag-presyo dahil sa 10 porsiyentong dagdag sa taripa. 

Ayon kay Laban Konsyumer president Vic Dimagiba, dapat isapubliko ng Department of Energy kung magkano ang dagdag-presyo sa kada produkto. 

Dapat din anilang pasalamatan ang mga motorista sa pagtulong dahil lahat ng malilikom na pondo sa dagdag-buwis ay mapupunta sa mga programa laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19). 

"Nananawagan ang Laban Konsyumer sa DOE na isapubliko ang mga listahan ng mga oil companies na nagpapataw ng dagdag-10 porsiyentong tariff sa presyo ng produktong petrolyo para sa kaalaman ng mga konsyumers," ani Dimagiba. 

"Magkano per liter at anong uri ng petrolyo. Pasalamatan din ng DOE ang mga konsyumers sa pagtulong sa COVID-19 recovery sa pagbayad nila ng dagdag 10 percent tariff."

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.