Paghimay sa presyo ng petrolyo epektibo simula Hulyo 4

ABS-CBN News

Posted at Jun 20 2019 08:04 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Epektibo na simula Hulyo 4 ang utos ng Department of Energy (DOE) na "fuel unbundling" o paghimay sa presyuhan ng produktong petrolyo. 

Balak namang humiling ang ilang oil firm sa korte ng temporary restraining order (TRO) para ipatigil ang utos ng gobyerno. 

Sa ilalim ng utos ng DOE, obligado ang mga kompanya ng langis na isumite sa kagawaran ang presyo ng inangkat na petrolyo, freight cost, insurance, at foreign exchange rate.

Kasali rin sa isusumite ang lahat ng buwis at halaga ng biofuels.

Kasama naman sa tinatawag na "company take" ang pagsumite ng ibang gastos at kita ng kada kompanya.

"Tahimik iyong batas regarding ano po ba 'yong tamang kita. Dahil tahimik 'yong batas, ang ginagawa na po ng Department of Energy na una, hindi naman po unconscionable. Pangalawa, na iyong kanilang pagpresyo [ay] reasonable," ani Energy Assistant Secretary Bodie Pulido.

Pero ayon sa mga source sa industriya ng langis, ipatitigil ng mga kompanya ang utos sa pamamagitan ng paghirit ng TRO.

Nilalabag daw kasi ng utos ang Oil Deregulation Law at may mga impormasyong hindi puwedeng malaman ng mga magkakakompetisyong kompanya.

Nilinaw naman ng DOE na para lang sa kanila at hindi ibabahagi sa publiko ang isusumiteng datos ng mga kompanya.

Samantala, inaasahang maliit lang ang magiging galaw sa presyo ng petrolyo sa susunod na linggo. 

Sa unang 3 araw ng trading sa pandaigdigang merkado, nasa P0.29 ang ibinagsak ng presyo ng inangkat na gasolina.

Tumaas naman ng P0.17 kada litro ang presyo ng imported diesel at kerosene.

--Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.