Reserbang kuryente sa Luzon grid numipis

ABS-CBN News

Posted at Jun 19 2019 07:11 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa tindi ng init, dala-dalawang electric fan ang ginagamit ni Vivian Baranda para hindi siya pagpawisan.

"Sobrang init, grabe. Na-allergy na ako sa sobrang init, namumula na mukha ko," ani Baranda.

Isa si Baranda sa milyon-milyong kostumer ng Manila Electric Company (Meralco) na lumakas ang konsumo sa kuryente bunga ng init ng panahon.

Bunsod ng malakas na konsumo ang pagdalas na pagsasailalim sa Luzon grid sa yellow at red alert, na nangangahulugang manipis ang reserbang kuryente.

Isinailalim sa red alert ang Luzon grid ngayong Miyerkoles mula alas-9 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon.

Isang porsiyento lang ang ibinaba ng konsumo ng Meralco customers mula noong kasagsagan ng tag-inig, ayon sa tagapagsalita ng power distributor. 

"'Yong temperatura, 'yan ang nagiging dahilan kung bakit 'yong mga consumers, mas gumagamit ng maraming kuryente, lalo na 'yong mga cooling devices," ani Meralco Spokesperson Joe Zaldarriaga.

"As a result, overall demand remains to be high," ani Zaldarriaga.

Sakaling mauwi sa brownout, tiniyak naman ng Meralco na iikot o magiging rotational naman ito at hindi sa iilang lugar lang.

Agad din daw iaanunsiyo ang interruption schedule sa social media accounts ng Meralco sakaling biglang kapusin ang suplay ng kuryente.

--Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.