PatrolPH

Parusa sa di nagke-claim ng GrabFood order pag-aaralan

ABS-CBN News

Posted at Jun 19 2019 07:55 PM | Updated as of Jun 20 2019 08:28 PM

Watch more on iWantTFC

Pinaplano ng kompanyang Grab na pagmultahin o pansamantalang hindi makagamit ng food delivery service na GrabFood ang mga pasaway na kostumer na di nagpapakita sa mga rider na kumukuha ng kanilang order. 

Ito ay matapos mag-viral ang ilang insidente ng pag-aabono ng mga rider sa order ng mga user na hindi magpaparamdam kahit na na-order na ang kanilang pagkain. 

Galing lamang sa bulsa ng mga rider ang pinambibili. 

"We are looking into it at least man lang na user time out or some corresponding monetary penalties," ani Nicka Hosaka, tagapagsalita ng Grab Philippines. 

Umani ng libo-libong likes at shares ang retrato ng GrabFood rider na si Jann Ashley Gabad sa social media kung saan nag-ambagan silang magkakasamang GrabFood rider sa dalawang 14” pizza sa halagang P590 na in-order sa kanilang kasamahan. 

Sa isang online message sa ABS-CBN News, sinabi ni Gabad, na hindi na raw ito nai-deliver dahil mali umano ang ibinigay na address at invalid pa ang contact number.

Nanghinayang siya na ipa-reimburse sa Grab at may kalayuan din ang kanilang tanggapan sa puwesto nila. 

Ganito rin ang nangyari sa GrabFood rider na si Ezzekiel Hallili. Nang minsang naka-oder ng dalawang milk tea sa higit P200 ang kaniyang customer ay hindi na raw ito nagpaparamdam. 

"Kino-confirm ko order niya, hindi siya nagpaparamdam, iniisip ko na lang diretsuhin booking niya. Pumunta ako sa location niya... Pero 'di pa rin matawagan,” ani Hallili. 

Nilinaw naman ng Grab na maka-cancel lang ang order sa loob ng limang minuto habang papunta pa lang ang rider sa kukuha ng order. 

Awtomatikong disabled na ang cancel button kapag nasabi ng rider na nakapag-order na siya. 

Labinlimang minuto naman ang nakalaang oras na paghihintay ng rider sa kumpirmasyon ng um-order. 

Kapag hindi na tuluyang nagparamdam o nagpakita ang um-order ay maaari na raw dalhin ng rider ang nabiling pagkain sa Grab office at i-reimburse nang buo ang nagastos. 

Plano na rin ng Grab na maglagay ng mga food hub sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila para hindi na kailangang pumunta ng mga rider sa Makati para makapagpa-reimburse. 

Maglalagay na rin daw sila ng opsiyon na cashless transaction kung saan maaaring credit card o online payment ang puwedeng gamitin ng kostumer na pambayad. 

--Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.