Kooperatiba sa Sarangani, patuloy ang operasyon sa kabila ng CDO

Jay Dayupay, ABS-CBN News

Posted at Jun 19 2019 10:38 PM

ALABEL, Sarangani Province - Wala umanong dapat na ikabahala ang mahigit sa 100,000 miyembro ng Alabel- Maasim Credit Cooperative (ALAMCCO) sa inilabas na cease and desist order (CDO) ng Cooperative Development Authority (CDA).

Naglabas ng pahayag ang pamunuan ng ALAMCCO nitong Miyerkoles. Ayon kay Atty. Umar Genita, ang legal counsel ng ALAMCCO, sinunod ng kooperatiba ang mga requirement ng gobyerno.

"Actually mayroong cease and desist order ang CDA pero wala tayong dapat na ikabahala diyan dahil in compliance 'yan sa Republic 9520 kung saan hindi pwedeng magcollect ng deposit sa isang tao na hindi member ng kooperatiba," paliwanag niya.

Ayon kay Renato Castro, ang acting supervising cooperative development specialist ng CDA Kidapawan City extension office, inilabas ang cease and desist order kasunod ng ginawa nilang inspeksiyon sa ALAMCCO.

"Bawal silang magtanggap ng deposits sa mga non-members kasi bawal 'yan sa ruling ng Bangko Sentral ng Pilipinas. Mga bangko lang ang pinapayagan niyan," pahayag ni Castro.

Lumabas pa sa findings ng CDA na may mga miyembro silang hindi sakop ng kanilang area of responsibility. Na-alarma din ang legal department ng CDA sa 35 porsyentong interest rates na alok sa mga miyembro.

"Sa remarks ng central office legal department, 'yong 35% interest rates ay masyadong mataas. Baka hindi maka-sustain ang cooperative at baka babagsak," ani Castro.

Ayon kay Genita, pinag-aaralan nilang ibaba ang interest rates sa 20 porsyento mula sa kasalukuyang 35 porsyento. Nakahanda rin umano ang ALAMCCO na ibalik ang deposits ng mga miyembro kasunod ng maraming withdrawals ngayon sa kanilang opisina matapos ang crackdown ng gobyerno sa mga investment schemes.

"They are not running from their obligations. They will comply with what is agreed. They will return whatever amount deposited by the member," ani Genita.

Dismayado naman ang ilang miyembro ng ALAMCCO dahil delayed na ang pagkubra ng monthly interest sa mga deposit nila.

"Pinapirma lang kami at tawagan lang daw kami kung may pera na," ani Romeo Ravilo, miyembro ng ALAMCCO.

Ang ALAMCCO ay isa sa mga sinalakay ng National Bureau of Investigation kasunod ng utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipasara ang mga investment scheme na umano'y dawit sa pyramiding. 

Itinanggi ng ALAMCCO na sangkot sila sa investment scam pero kasama sa inilabas na immigration lookout bulletin order ng Department of Justice ang mga opisyal ng ALAMCCO.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.