PatrolPH

Maliliit na negosyo puwedeng umutang sa gobyerno nang walang interes

ABS-CBN News

Posted at Jun 18 2020 07:38 PM

Gumagawa na lang muna ng barbecue si Christian Romeo para kumita matapos matengga ang kaniyang sasakyang dating pasok sa Grab.

Tatlo ang kinuhang sasakyan ni Romeo pang-Grab kaya higit P50,000 ang buwanang hulog sa bangko.

Sana raw ay may puwede siyang utangan para hindi mahatak ang mga sasakyan.

"Tatlong buwan na, nasa mga P150,000 na, tatlong buwan na akong 'di nakabayad sa bangko," ani Romeo.

"Kung mayroon mag-ano tapos mababa interes, papatusin na namin 'yan," aniya.

Swak ang mga kagaya ni Romeo sa pautang ng gobyerno sa pamamagitan ng SB Corporation, na nasa ilalim ng Department of Trade and Industry (DTI).

Hanggang P200,000 sa micro-businesses at hanggang P500,000 naman sa small businesses ang pautang.

Online ang aplikasyon at pagsumite sa requirements.

"Ito ay pautang na walang interes. Puwede mong bayaran either 18 months o kaya 30 months. At ang maganda dito ay mayroon kang 6 na buwan na hindi muna kailangang magbayad,," ani SB Corporation Vice President Frank Gonzaga.

Isa si Celia Capiz sa mga interesadong mag-apply sa pautang ng SB Corporation.

May ilan siyang school service na natengga simula pa noong kalagitnaan ng Marso.

Walang kita ang mga sasakyan pero naniningil ang bangko dahil inutang lang ang pambili ng mga ito.

"Paano 'yong kinakailangan na pang-araw-araw?" ani Capiz.

Ayon sa SB Corporation, bukod sa mga maliliit na negosyo, pasok din sa pautang ang mga gaya nina Capiz at transport network vehicle service driver na si Romeo, basta maisumite lang ang patunay na dati itong kumikita at iba pang requirements.

Dahil umabot na sa 15,000 ang nag-apply, simula Biyernes, isasara muna ang online application habang kinakausap ng DTI ang mga bangko para makakuha ng dagdag na pondo.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.