Halos 2 milyon kabahayan tatamaan ng water interruption simula Hunyo 19

ABS-CBN News

Posted at Jun 18 2019 05:40 PM | Updated as of Jun 18 2019 07:58 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATE) Higit 2 milyong kabahayang sineserbisyuhan ng Maynilad at Manila Water ang makararanas ng aabot sa 17 oras na water interruption (mahinang water pressure o tuluyang kawalan ng tubig) simula Miyerkoles, Hunyo 19.

Ito ang resulta ng pulong ngayong Martes ng Angat technical working group na kinabibilangan ng National Water Resources Board (NWRB), Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), Manila Water at Maynilad.

Napagkasunduan sa pulong na huwag nang paabutin sa 160 metro o critical level ang antas ng tubig sa Angat Dam, na pangunahing pinagkukuhanan ng tubig ng mga water concessionaire na nagseserbisyo sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan. 

"We decided to start adjustment and then try to prepare 'yong ibang mga contingency plans natin," ani NWRB executive director Sevillo David Jr. 

Babawasan ang allocation na inilalabas mula Angat Dam sa 40 cubic meter per second mula 46 cubic meter per second. Paghahatian ito ng Maynilad, Manila Water at maging ng concessionaire na nagseserbisyo sa Bulacan.

Nakatakdang maglabas ng schedule sa gabi ng Martes ang Manila Water at Maynilad ng mga lugar na hihina o mawawalan ng tubig.

Inabisuhan ang mga kostumer na antabayanan ang schedule sa social media accounts ng mga concessionaire.

Tiniyak naman ni MWSS Administrator Reynaldo Velasco na walang mangyayaring pila-balde. 

Sinabihan ni Velasco ang 2 water concessionaire na tiyaking tama ang ilalabas na water interruption kundi ay pagmumultahin ang mga ito.

Bagaman may service interruption, kikilos din ang MWSS at NWRB.

Kasama sa mga hakbang ang tuloy na pagsubok sa pagpapatakbo ng low-level outlet ng Angat Dam para may masimot pang tubig.

Titingnan din kung uubra ang pagbubukas ng mga deep well pero kailangan pang tiyakin ang kalidad ng tubig na manggagaling doon bago magamit.

Aayudahan naman ng Metropolitan Manila Development Authority ang mga pamahalaang lokal sa kampanya sa pagtitipid at tamang paggamit ng tubig.

--May ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.