Cellphone number puwede nang permanente sa subscriber

ABS-CBN News

Posted at Jun 18 2019 08:09 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Halos P200 kada araw ang nagagastos ni Jeff de Jesus sa load ng cellphone dahil 2 SIM sa magkaibang telecommunications company (telco) ang gamit niya.

Kailangan kasi ni De Jesus sa kaniyang negosyo na madali siyang tawagan.

Dalawang cellphone number ang ilang taon nang pinagpapalit-palit ni De Jesus dahil ang nauna niyang telco ay mahina ang signal sa kanilang lugar.

Sa ilalim ng Mobile Number Portability Act, puwede nang magpalit ng service provider o telco si De Jesus nang hindi nagpapalit ng cellphone number. 

Puwede na ring magpapalit ng subscription mula prepaid na gagawing postpaid, at postpaid na gagawing prepaid.

Sa inilabas na implementing rules and regulations (IRR) noong Lunes ng National Telecommunications Commission (NTC), kailangang magawa ang proseso ng pagpapalit sa loob lang ng 2 araw.

"Ine-ensure naman ng batas na ito na hindi sila [kostumer] mahihirapan," ani Imelda Walcien, director ng regulations department ng NTC.

Para makapag-apply, kailangan magpasa ng request ang subscriber sa orihinal na service provider. Puwede ring idaan ang request online o sa text message.

Ipapasa ng orihinal na service privder ang aplikasyon sa ipapalit na service provider.

Sa proseso, mawawalan ng service nang hindi lalagpas sa 4 na oras ang subscriber. 

Kapag tapos na ang proseso, kailangan maipaalam agad sa subscriber na nailipat na ang serbisyo niya.

Hindi matutuloy ang paglilipat kapag may utang pa sa orihinal na service provider o blacklisted ang subscriber.

Libre ang pag-apply at oras na naka-portable mobile number na ang isang subcriber, wala nang interconnection fee sa domestic call at text messages.

Mapapagastos ang mga naka-unli at hindi naka-"portable number."

"Kung ikaw ay naka-port na tapos ako ay tatawag sa'yo, kailangan kong alam na ikaw ay nag-port na," ani Walcien.

Suportado naman ng 2 telco ang batas.

Sa isang pahayag, sinabi ng Globe na makikipagtulungan sila sa gobyerno kung paano maipatutupad ang batas nang maayos.

May "reservations" pa rin ang Smart sa pagtanggal ng interconnection fees sa pagitan ng mga operator.

Bibigyan ng 6 buwan ang mga telco na makapag-adjust sa bagong batas kaya sa Enero 2020 pa simulang makakapag-apply ang mga kostumer.

--Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.