Natural gas, maaaring angkatin na rin ng Pinas

ABS-CBN News

Posted at Jun 18 2018 11:12 PM

Brownout pinangangambahan kapag natural gas kinulang 

Watch more in iWant or TFC.tv

Hindi malayong mag-angkat na rin ang Pilipinas ng natural gas dahil unti-unti nang natutuyo ang reserba ng Malampaya power plant, ayon sa Department of Energy (DOE).

Taon-taong nagsu-supply ang Malampaya power plant ng 3,200 megawatt sa mga planta ng kuryente.

Unang nakita ang pagbaba ng reserba ng Malampaya noong 2015 at posibleng sumayad na nang husto sa taong 2022 hanggang 2024.

"'Yan ang pinaka-critical na ginagawa ngayon ng DOE is to encourage private investors to come in so that magkaroon tayo ng panggagalingan o pagkukunan ng liquefied natural gas," ani DOE Assistant Secretary Leonido Pulido III. 

May ilang kompanya na ngayong nag-aalok ng kuryente gaya ng Energy World Corporation sa presyong P2.75 kada kilowatt hour (kWh). 

Halos kalahati lang ito ng P5 kada kWh na singil kung coal ang gagamitin.

Gayunman, aabutin pa ng ilang taon bago makumpleto ang impraestruktura para mapadaloy ang kuryente sa transmission lines.

"Importation of natural gas na lang po talaga 'yong for us the most viable option to provide that fuel that we need," ani Pulido. 

Pinag-aaralan na ng DOE ang pagbili ng natural gas mula sa Japan, Malaysia, at Middle East.

Nanghihinayang naman si Senador Sherwin Gatchalian dahil puwede aniyang pagkuhanan ng natural gas ang West Philippine Sea.

"One hundred percent mayroon natural gas... hindi lang tayo maka-explore-explore... dahil may conflict tayo," ani Gatchalian.

Tingin naman ni Senate Majority Leader Migz Zubiri, maaaring makaapekto sa investors ang kakapusan ng natural gas reserves ng Malampaya power plant.

"We'll have problems with energy, problems with power. We'll have problems also in investments baka walang gustong pumasok dito kung nagkaroon tayo ng repeated brownouts," ani Zubiri.

"Do not be afraid of renewable energy, kasi natatakot ang DOE baka mahal. All over the world, bumababa nang bumababa ang presyo ng wind turbines, ng solar power."

Pinatitingnan na ng DOE sa Philippine National Oil Company kung puwede pang magamit ang natitirang 1,000 megawatt na natural gas reserves sa eastern side ng Malampaya power plant. 

-- Ulat ni Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.