SSS tumatanggap na ng aplikasyon para sa calamity loan

ABS-CBN News

Posted at Jun 17 2020 02:03 PM | Updated as of Jun 17 2020 07:31 PM

Watch more in iWantTFC

(UPDATE) Sinimulan nang tumanggap ang Social Security System ng aplikasyon para sa calamity loan, na maaaring umabot ng hanggang P20,000 kada miyembro, sabi ngayong Miyerkoles ng tagapagsalita ng state-run pension fund para sa mga pribadong manggagawa.

Puwedeng mag-calamity loan ang mga miyembrong nakahulog na ng 36 months, kung saan ang huling 6 na buwan ay update.

Sa online lamang maaaring mag-apply para sa calamity loan gamit ang account sa My.SSS, ang online portal ng SSS.

Ipoproseso ang pautang sa loob ng 5 araw at maaaring makuha sa pamamagitan ng card o tsekeng ide-deliver ng Philippine Postal Corporation, ayon kay SSS Spokesman Fernan Nicolas.

Bukod doon, pinalawig na rin umano ng SSS ang deadline sa pagbayad ng mga kontribusyon hanggang Hunyo 30.

Dahil sa pagpapalawig, umikli ang pila ng mga nagbabayad ng kontribusyon sa mga tanggapan ng SSS, tulad ng sa sangay sa Diliman, Quezon City.

Pinayuhan din ni Nicolas ang mga senior citizen na kukuha ng kanilang pensyon na mag-apply na lang online.

Suspendido rin muna ang Annual Confirmation of Pensioners habang may community quarantine, sabi ng SSS.-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.