PatrolPH

Live weight price ng manok tumaas nang P50

ABS-CBN News

Posted at Jun 16 2022 08:09 PM

Watch more News on iWantTFC

Tumaas nang P50 ang live weight price ng manok dahil sa kakulangan ng supply bunsod ng mainit na panahon, sabi ngayong Huwebes ng mga nagtitinda.

Sa ngayon, naglalaro sa P190 hanggang P200 ang kada kilo ng manok sa ilang pamilihan sa Metro Manila.

"May shortage po ang manok ngayon. Walang nag-aalaga kasi lugi raw. Namamatay po ang manok tapos ang pagkain ngayon, mahal ang ingredients," sabi ng tinderang si Arlene Manrique.

Pero nilinaw ng United Broiler Raisers Association (UBRA) na walang kakulangan sa supply ng manok sa Metro Manila at sa karamihan ng lugar sa bansa maliban sa ilang probinsiya gaya ng Abra at Zamboanga.

Dahil sa mga kaso ng bird flu ngayong 2022, apektado pa rin ang supply, base sa monitoring ng Department of Agriculture.

"Ang Abra, ang reason ay 'yong restrictions of movement ng chicken. iba-iba kasi ang LGU (local government unit). Kakaunti naman ang producers, ang Zamboanga, nagkaroon ng restrictions ng movements especially from Visayas and other places of Mindanao kaya kinukulang," ani UBRA President Elias Inciong.

"May kakulangan dahil nag-depopulate sila dahil sabi nila risky dahil tumataas ang presyo ng patuka. Kumbaga, nagbawas sila," sabi naman ni Department of Agriculture spokesperson Noel Reyes.

Patong-patong na rin ang hamon para sa mga raiser dahil sa pagsirit ng presyo ng produktong petrolyo at sa kompetisyon sa imported na manok, ayon kay Inciong.

Asukal

Samantala, kinumpirma rin ng Sugar Regulatory Administration na may dumating nang imported na asukal mula Thailand.

Sa report ng SRA ngayong Hunyo, bumaba nang 35.7 porsiyento ang supply ng raw sugar kompara noong nakaraang taon. Bumagsak din nang 61.8 porsiyento ang supply ng refined sugar.

Sa pahayag ni SRA Chief Hermenegildo Serafica, higit 19,000 metriko tonelada ng bottlers grade refined sugar at 24,000 metriko tonelada ng premium grade refined sugar ang naaprubahang iangkat sa import clearance.

Dadaan pa ito sa reclassification bago magamit ng mga food manufacturer na nagpaabot ng pangangailangan sa supply ng asukal noong mga nakaraang buwan.

Sa mga palengke, nananatili sa P70 ang kada kilo ng refined sugar. Mula noong Enero, higit P20 na ang itinaas sa presyo nito.

Para sa United Sugar Producers Federation (UNIFED), hindi industrial manufacturers ang nakikinabang sa importasyon.

"Lahat nagko-complain pa rin, hindi pa rin bumaba ang prices. Kasi ang rason po very simple. Pina-prioritize nila po ibigay sa mga industrial. Wala kaming problema mag-import provided the importation be for producers and for the consumers," ani UNIFED President Manuel Lamata.

Nanindigan din ang sugar producers group na sapat ang supply ng asukal sa bansa.

— Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.