PatrolPH

Pagbuwis sa online sellers, suportado ng consumer protection group ng DTI

ABS-CBN News

Posted at Jun 13 2020 04:44 PM | Updated as of Jun 13 2020 06:57 PM

MAYNILA--Sinuportahan ng consumer protection group ng Department of Trade and Industry (DTI) ang direktibang pagbayarin ng buwis ang mga online seller.

“For consumer protection, kapag hindi nagbabayad ng taxes ’yung online sellers ibig sabihin hindi sila dapat magnegosyo kung nagtatago sila o illegitimate ’yung kanilang business and then they charge the consumers,” pahayag ni DTI Undersecretary Ruth Castelo.

Sa panayam sa ABS-CBN Teleradyo, sinabi ni Castelo na malaki ang maitutulong nito lalo na sa mga fly-by-night sellers.

"Wala kaming traceability. Hindi namin mahanap kapag mag-complain ’yung consumer,” sabi ni Castelo.

Sa Revenue Memorandum Circular No. 60-2020 ng Bureau of Internal Revenue (BIR) nitong Hunyo 1, binigyan ng ahensiya ng hanggang Hulyo 31 para mag-register at magbayad ng buwis ang mga online merchant.

“Kung meron ang BIR ng registration, at least magkakaroon sila ng listahan kung sino nagbabayad ng taxes, matutulungan kami na mahanap sila dahil we’ll get the name, the address, so OK ’yun for us to build our registry,” sabi ni Castelo.

Saad pa ni Castelo na hindi patas sa mga lehitimong online sellers kung hindi sila magbabayad ng buwis sa gobyerno dahil kumikita naman ang kanilang negosyo.
 
Ayon kay Castelo, tumaas din ang bilang ng mga complaints na kanilang natanggap laban sa mga online seller.

Mula Enero hanggang ikawalang linggo ng Marso, o bago magbaba ng enhanced community quarantine, ay nakatanggap sila ng 984 na complaints.
 
“Nu’ng pumasok ang April to May nadagdagan ng 8,000 so ang total namin from January to May 9,044 complaints involving online transaction,” sabi niya.

Tumaas ang bilang sa mga huling dalawang buwan dahil karamihan ng mga naka-stay at home ay umaasa sa online products dala ng quarantine.

At dahil din nasa bahay, may panahon aniya ang mga consumer na makapagreklamo sa mga nabiling mali o depektibong produkto.

Dagdag ni Castelo na hirap sila na mahabol ang inirereklamong merchant lalo pa’t kung wala itong physical address at hindi totoo ang pangalan.

“We will have to get the device or confiscate the device, dadalhin natin sa NBI or sa PNP para sa cybercrime division nila to track the IP address. A lot of times nadi-discourage ang consumer kasi ayaw naman niyang to let go of the device na kailangan ng NBI,” ani Castelo.

Hiling niya sa mga consumer na maging wais sa pagpili ng online seller na bibilhan ng produkto. Kung maaari ay doon sana sila umano bumili sa mga kilalang mga merchant.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.