Dagdag-singil sa tubig dahil sa palitan ng piso ipinagpaliban

ABS-CBN News

Posted at Jun 13 2019 08:16 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ipinagpaliban ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang dagdag-singil sa tubig sa Hunyo na dulot ng foreign currency differential adjustment (FCDA) o ang epekto ng palitan ng piso.

"The board of trustees deemed it prudent na huwag munang mag-act on anything significant pending the assumption of the office of the new administrator," ani MWSS Chief Regulator Patrick Ty.

"It won't add to the burden. Right now, alam na nga natin nahihirapan ang consumers dahil walang tubig or rotational ang tubig so this helps," ani Ty.

Nasa P0.18 kada cubic meter ang dagdag-singil na ipinagpaliban para sa Manila Water, habang P0.03 kada cubic meter naman para sa Maynilad, ayon sa MWSS Regulatory Office.

Dahil "deferred" lang ang dagdag-singil, ipapasa pa rin ito sa huling quarter ng taon o sa Oktubre.

Samantala, pinaghahanda na ng MWSS ang Maynilad at Manila Water sa posibilidad na mabawasan ang alokasyon ng tubig na maaaring magresulta sa water interruption sa mga susunod na linggo.

Madalang pa rin ang buhos ng ulan sa watershed ng Angat kaya tuloy-tuloy ang pagbaba ng antas ng tubig doon.

Pero nilinaw ng MWSS na ang paghahanda ay pang-"worst case scenario" lamang. Ibig sabihin, kung walang dumating na sangkaterbang ulan, malamang kakapusin na naman ang suplay ng tubig ng mga water concessionaire.

"Everybody has to share their tightening, everybody has to share their rationing," ani MWSS Administrator Reynaldo Velasco.

"Ang guidance ko lang diyan sa 2 concessionaire, 'pag nag-issue kayo ng advisory na itong oras ang wala, siguraduhin niyong 'yong oras lang, walang iba pa," dagdag ni Velasco.

--Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.