Kapangyarihang magtakda ng pasahe ng mga TNC, ibinigay sa LTFRB

ABS-CBN News

Posted at Jun 12 2018 09:21 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nasa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ang kapangyarihang magtakda ng pasahe para sa mga transport network company (TNC).

Ayon sa Department of Transportation (DOTr) noong Lunes, nilagdaan ang isang department order na nagtatakda sa LTFRB bilang tagapangasiwa at tagapagbantay sa mga TNC at kanilang mga transport network vehicle service (TNVS).

"To the riding public, rest assured, LTFRB will endeavor to protect the interest of the riders especially from unreasonable fare rates while it assures the TNVS that your consideration as well is being acknowledged and will be acted upon appropriately," sabi sa DZMM ni LTFRB board member Aileen Lizada. 

Wala pang inilalabas na kopya ng bagong kautusan ang DOTr pero tiniyak ng Grab Philippines na susunod sila sa ano mang patakarang itatakda ng gobyerno.

"We have yet to receive a copy of the Department Order but rest assured Grab will comply," sabi ng Grab sa isang pahayag.

Para sa grupo ng mga commuter, mas makatitiyak na walang pang-aabuso sa pagpataw ng pasahe kung dadaan sa LTFRB.

"Hindi puwedeng they (TNCs) can just decide at any one time to increase the fare," ani Maricor Akol, pangulo ng National Center for Commuters’ Safety and Protection.

Nananatili namang suspendido ang P2 kada minutong singilan ng Grab.

Nakatakda ring dinggin nitong Hunyo ang ihinaing fare hike petition ng Grab sa LTFRB.

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.