PatrolPH

Meralco pinagpapaliwanag sa mga umano'y paglabag sa billing

ABS-CBN News

Posted at Jun 11 2020 04:08 PM | Updated as of Jun 11 2020 06:58 PM

Watch more on iWantTFC

Pinagpapaliwanag ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang Meralco sa mga umano ay paglabag sa billing ng singil sa kuryente noong lockdown.

Sa Teleradyo noong gabi ng Miyerkoles, ipinaliwanag ni ERC Spokesperson Rexie Baldo-Digal ang anila'y mga paglabag ng power distribution company.

Una umano rito ay hindi nakalagay na "estimated" lang ang mga bill na dumating sa mga kostumer ng Meralco noong lockdown.

"Sa harapan noong bill, wala naman word na 'estimate.' May nakita kami ni phrase na nakalagay, 'consumption for this period is estimated' pero nasa likod ng bill saka maliit ang pagkakasulat," sabi ni Baldo-Digal.

Dapat daw ay malinaw ang pagkakasaad na estimate ang bill.

Ang pangalawa ay dapat daw noong Mayo pa lang, inilagay na sa mga ipinadalang bill ang hatian ng naipon bayad.

"Iisa lang po 'yong amount, which is kaya naging shocking 'yong bill... violation na 'yon kasi dapat ni-reflect na nila, hindi 'yan ang buong amount due dahil allowed na nga ang installment," ani Baldo-Digal.

Noong unang linggo ng Hunyo lang naglabas ng bagong bill ang Meralco kung saan nakahimay na ang hatian ng bayarin.

"'Yan ini-issue nilang bill na 'yan ngayon is product already of pag-comply nila doon sa pinaka-latest advisory namin," ani Baldo-Digal.

Nanindigan naman ang Meralco na wala silang nilabag na batas at sasagot sila sa show-cause order na ipinadala ng ERC, ayon sa tagapagsalita ng kompanya na si Joe Zaldarriaga.

"Sa pananaw naman namin, we tried and comply with all the existing regulations and directives," ani Zaldarriaga.

Sampung araw ang ibinigay sa Meralco para magpaliwanag. Maaari umano silang pagmultahin kapag napatunayang lumabag sa utos ng komisyon. -- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.