Suggested retail price ng mga de lata, tumaas

ABS-CBN News

Posted at Jun 11 2018 08:13 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Nagkaroon ng P0.50 hanggang P0.90 na pagtaas sa suggested retail price (SRP) ng mga produktong de lata sa mga pamilihan nitong Hunyo.

Ito ay matapos aprubahan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang hiling na pagtaas ng mga canned goods manufacturer, na idinahilan ang pagmahal ng raw materials at labor cost.

Ang dating P13.40 SRP ng 155 gramo ng de latang sardinas, halimbawa, noong Abril, ngayon ay nasa P13.90 na.

Bukod sa mga de lata, humirit din ng P1 pagtaas sa SRP ang mga manufacturer ng kandila.

Sa bulletin ng DTI nitong Hunyo, may pagtaas nang P2 hanggang higit P4 sa presyo ng kandila. 

Nagkaroon din ng pagtaas sa presyo ng ilang gulay at karne sa mga palengke. 

Nilinaw naman ng Department of Agriculture (DA) na walang kinalaman sa tag-ulan o Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law ang taas-presyo sa mga palengke.

"People who want to make huge profits actually will always find a convenient excuse para i-spike 'yong prices," ani Agriculture Secretary Emmanuel Piñol.

Maglalabas sa susunod na linggo ng SRP ang DA.

Nakaamba ring magtaas ng presyo ang mga supermarket para makabawi raw sa gastos ng kanilang operasyon. 

"Because of the increase in cost of operations ng supermarket. Kuryente and eventually, I suppose, suweldo ng tao. Very soon I guess retailers will have to adjust their margins also," ani Steven Cua ng Philippine Amalgamated Supermarkets Association.

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.