Higit 55,000 trabaho alok sa Independence Day job fair

ABS-CBN News

Posted at Jun 10 2021 07:43 PM

Watch more in iWantTFC

Mahigit 55,000 job vacancies ang iaalok sa online job fair na ikinasa ng Department of Labor and Employment para sa Independence Day sa Sabado.

Sa bilang na iyon, higit 30,000 ang local vacancies o lokal na trabaho, kung saan pangunahing pangangailangan ang customer service representatives, production operator o factory workers, security guard, caption writer at live note-taker, at collections specialist.

Higit 20,000 naman ang bakanteng trabaho sa ibang bansa, na karamiha'y nurse, radiographer at physiotherapist, cleaners, karpintero, mason at mga mekaniko.

Ang National Capital Region pa rin ang may pinakamaraming bakanteng trabaho, na nasa 23,243, pero naniniwala ang DOLE na magiging patas ang mga oportunidad kahit sa ibang mga rehiyon dahil online ang maraming trabaho ngayon.

Sa mga lalahok sa job fair, maaaring magpa-register sa itinalagang website ng DOLE kada rehiyon.

Maaari rin umanong makita ang mga impormasyon sa DOLE at Bureau of Local Employment websites.

Sakaling hindi pa rin matanggap sa trabaho sa job fair, inirekomenda ni Labor Assistant Secretary Dominique Tutay ang government internship program.

Sa ilalim nito, 5,000 ang iha-hire ng programa sa loob nang 3 o 6 na buwan para maging healthy economic recovery officers na itatalaga sa mga barangay at local government unit.

Sa mga gustong sumali sa programa, puwedeng magtanong sa DOLE regional offices para sa aplikasyon.

Noong Abril, pumalo sa 4.14 milyon ang bilang ng mga Pilipino na unemployed o walang trabaho.

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

RELATED VIDEO

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.