Hinimok ngayong Huwebes ng ilang samahan ng pork at poultry producer ang papasok na administrasyon na pagtuunan ng pansin ang importasyon ng karne.
Sa idinaos na International Farmers Summit sa Pasay City, sinabi ng United Broiler Raisers Association (UBRA) na panahon na para bigyang-prayoridad ng gobyerno ang lokal na produksiyon ng karne kaysa mag-import nang mag-import.
"We are not given support, hinahanapan ka pa ng kalaban. Ang sina-subsidize, 'yong binibigyan ng tariff tax, 'yong imports," ani UBRA President Elias Enciong.
"The situation was created because of the bias in favor of import liberalization. Kahit sasabihin nilang ang importation is for the benefit of the consumers, it is actually benefiting importers,” dagdag niya.
Iminungkahi naman ng National Federation of Hog Farmers Inc. (NFHFI) ang pagtatayo ng "first border facility" para mabantayan ang pagpasok ng imported na karne.
Paraan din umano ang "first border facility" para matiyak na walang makakapasok na animal disease, tulad ng African swine fever (ASF) at avian influenza o bird flu.
"We are the only country without first border inspection. In other countries, [the Department of Agriculture] must first inspect the goods coming in before Customs will collect tariff. Here, we collect tax first before inspecting the goods," ani NFHFI Chairman Chester Tan.
Hinihintay na ang pondo para sa first border facility sa Subic, ayon kay Bureau of Animal Industry Director Dr. Reildrin Morales.
"Lahat ng permits ay naayos na for the first border facility to be put up first sa Subic. Ang naibigay lang na pondo rito ay P500 million lang," sabi ni Morales.
Plano rin na magkaroon ng dagdag na diagnostic laboratories para sa mabilis na testing laban sa ASF at bird flu.
Samantala, hindi pa bumabalik sa dating sigla ang bentahan ng karne sa mga palengke dahil sa mababang presyo ng kakompetensiyang imported meat.
Sa Trabajo Market sa Maynila, nasa P370 ang kada kilo ng karne ng baboy, higit P100 ang diperensya sa imported meat na P230 hanggang P250 kada kilo.
Mas mababa rin ang presyo ng imported na karne ng manok na P150 kompara sa bagong katay na karne ng manok na umaabot ng P200 kada kilo.
Ilang nagbebenta rin ng lokal na karne ang lumipat na sa pagbebenta ng imported meat dahil umano sa mataas na demand.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.