Nasa 84,593 bakanteng trabaho ang alok sa job fair ng Department of Labor and Employment (DOLE) kasabay ng paggunita sa Independence Day sa Lunes.
Ayon sa DOLE, dumaan sa pagsasala ang higit 1,000 employer na mag-aalok ng higit 84,000 job vacancies sa kanilang job fair.
Pangunahin pa rin umanong kailangan ang mga manggagawa sa business process outsourcing pero masigla rin ang hiring sa manufacturing, retail at sales, finance and insurance, at construction.
"Nagre-recover na 'yong mga companies and talagang unti-unti nao-open up na 'yong companies," ani Labor Undersecretary Amy Torres.
Aabot sa 51 ang venue ng nationwide job fair, kung saan pinakamarami sa National Capital Region na may 12 venue sa Caloocan, Pasig, Marikina, Mandaluyong, Parañaque, Taguig, Las Piñas at Quezon City.
Pero bago pumunta sa venue, kailangan ng pre-registration sa mga regional office ng DOLE para maagang makapagsagawa ng "job matching."
"[Para] makita namin agad 'yong profile ng mga jobseekers and then makita namin 'yong profile ng mga vacancies. Pagdating nila sa job sites, ima-match na namin talaga para to make sure na ma-hire sila," paliwanag ni Torres.
Ipinayo naman ng DOLE sa mga aplikante na magsuot ng presentableng kasuotan, tiyaking kumpleto ang mga dokumento mula resume hanggang emplpoyment records, at paghandaan ang interview.
Kadalasan 11 porsiyento ng mga aplikante ang nakukuha o hired on the spot sa mga nakalipas na job fair ng DOLE. Target umano itong itaas, lalo't isa ito sa indikasyon na epektibo ang mga job fair sa pagbibigay ng trabaho sa mga tao.
— Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.