Mga Pinoy sa NCR na walang trabaho o kulang ang kita dumami noong Abril

ABS-CBN News

Posted at Jun 08 2021 07:52 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Dumami na naman ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho o di kaya'y kulang ang kinita noong Abril, kasabay ng pagbalik ng mas mahigpit na quarantine restrictions sa NCR at ilang karatig-probinsya.

Nitong Mayo na lang nagsimula sa bagong trabaho si Anicel Rubio sa isang nail salon. Ngayon lang din nakahanap ng trabaho ang kanyang mister, na kabilang sa mga nawalan ng trabaho noong Abril kasabay ng pagbalik ng mas mahigpit na lockdown.

Pero may trabaho man muli, kapos pa rin ang sahod para sa pamilya, kabilang na ang 2 anak.

"Medyo kapos po talaga, sobra. Gawa nga po na sobrang hina ng kita, tsaka ng COVID-19," aniya. 

Ayon sa datos ng gobyerno, pumalo ang unemployment rate sa NCR sa 14.4 percent sa buwan ng Abril. Mas malala pa ito kumpara noong Abril 2020 na 12.3 percent lamang.

Ayon kay National Statistician Dennis Mapa, ang pagbalik ng mas mahigpit na quarantine ang dahilan nito. 

Tinamaan ng lockdown ang mga industriya ng retail, manufacturing at construction. 

Ang ibang rehiyon na bahagi ng NCR Plus Bubble, nakapagtala rin ng mas mataas na unemployment rate.

Sa buong bansa, nanatiling nasa 8.7 percent ang unemployment rate noong Abril, pero umakyat naman ang underemployment rate sa 17.2 percent.

Kabilang sa underemployment ang mga taong may trabaho pero gusto maghanap ng ibang mapapasukan dahil sa kulang ang kita.

Kumpiyansa naman ang mga economic managers na gaganda muli ang job market sa Pilipinas kasabay ng pagbabakuna sa bansa.

—Ulat ni Warren de Guzman, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.