Nanlumo si Ricardo Gonzales — residente ng Juban, Sorsogon — nang makita ang mga pananim niyang petsay kasunod ng pagputok ng Bulkang Bulusan noong Linggo.
Aanihin na sana ang mga petsay pero inabot ng abo kaya nasira ang mga dahon. Nasira rin aniya ang iba pa niyang pananim.
"Ang petsay, hindi na puwedeng anihin... 'yong luya, ewan ko kung ma-ano pa, mabuhay pa," ani Gonzales.
Sa tala ng Juban Municipal Agriculture Office, nasa P1.6 milyon ang iniwang pinsala sa agrikultura ng pagputok ng Bulusan.
Pinakamalaki umano rito ang sa sagingan, na nasa P1.2 milyon.
Ayon naman sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), malaki ang pinsala ng pagbagsak ng abo sa agrikultura ng Sorsogon, base sa nakalap ng Department of Agriculture.
"Ang Department of Agriculture ay nakapag-monitor ng damage to agriculture diyan sa 3,698 hectares of crops with a monetary [value] of P20.2 million," sabi ni NDRRMC Executive Director Ricardo Jalad.
Pero kinuwestiyon ng provincial disaster office ng Sorsogon ang pahayag ng NDRRMC.
Samantala, sa ikalawang araw kasunod ng pag-alboroto ng Bulusan, bakas pa rin ang mga abo sa mga bahay sa Barangay Puting Sapa sa Juban.
Pero sinimulan naman na ng ilang residente na maglinis.
Para naman matugunan ang problema sa tubig, naglagay ng desalination machine ang pulisya para sa malinis na tubig ng mga residente.
"Kayang-kayang suplayan ang pangangailangan ng mga residente," sabi ni Brig. Gen. Mario Reyes, direktor ng Bicol police.
Ito'y matapos makontamina ng abo ang pinagkukuhanan ng tubig-inumin sa barangay.
Tuloy rin ang pamimigay ng ayuda sa mga evacuee.
Bagaman tahimik na ang Bulusan, sinabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na hindi ito dahilan para maging kampante ang mga residente, lalo't nasa Alert Level 1 pa rin ang bulksan.
"Abnormal pa rin ang kondisyon niya and possible pa rin po ang sudden or phreatic eruptions, kaya pinapaalalahanan ang lahat na huwag tayong pumasok sa 4-kilometer permanent danger zone," ani April Domingiano, resident volcanologist sa Phivolcs-Sorsogon.
— Ulat ni Jose Carretero, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.