PatrolPH

Mas mahigpit na account requirements hiling sa e-wallets, shopping platforms

ABS-CBN News

Posted at Jun 06 2023 04:38 PM

Nanawagan ang National Bureau of Investigation (NBI) sa mga online bank at shopping platform, at e-wallet na higpitan ang kanilang seguridad at requirements sa pagbubukas ng account.

Ito'y dahil nagagamit ang nasabing mga platform at app sa mga scam, at paglilipat ng pera na galing sa nakaw o panloloko.

"Ang issue natin sa platform, 'yong kanilang security policy is flawed. Ang policy nila [is] hindi mo puwede gamitin kung hindi ikaw ang real owner. Ang hindi nila nakikita, the moment i-link na sa ibang platform... Hindi na nago-operate ang security policy sa links na ito. Nakikita ng scammers natin 'yong weakness na ito," ani Jeremy Lotoc ng NBI Cybercrime Division.

Dahil mahigpit din ang Bank Secrecy Law, pinagsasamantalahan umano ito ng mga sindikato para makapagtago ng perang galing sa pagnanakaw sa mga biniling bank account.

"Sana ayusin ang security policy. Dapat mag-adopt ng mode from the hacker's perspective. 'Yon dapat ang tingnan with regards sa mechanism, in accordance with security policy," ani Lotoc.

Binitawan ng NBI ang panawagan matapos nitong maaresto kamakailan ang isang 19 anyos na si alyas "Daniel," na naaktuhang nagbebenta ng mga account ng CIMB Bank.

Ayon kay "Daniel," bumili siya ng mga bank account na kaniya namang pinapalitan ang email at cellphone saka ibebenta sa iba.

Verifier umano ang tawag sa mga gumagawa ng account.

"Bale ang mga verifier sila ang mga nagve-verify ng account. Sariling ID at pekeng ID ang ginagamit, face scan din nila. 'Pag na-verify na, saka ibebenta," ani "Daniel."

Nahuli naman si alyas "Nicole" sa pag-buy and sell ng Maya account na kaniya ring pinapalitan ang account details bago i-alok sa iba.

"Kaya sila nagbebenta ng e-wallet account dahil walang pambili, pangkain, medical expenses," paliwanag niya.

"Kung may account na hindi ginagamit, binebenta nila. At least may pera na," aniya.

Ganoon din ang nangyari kay alyas "Karen," na nagbenta naman ng Shopee accounts.

Sa isang pahayag, nilinaw ng Shopee na nakikipagtulungan sila sa NBI sa pag-iimbestiga.

Patuloy rin umanong hinihigpitan ang seguridad ng kanilang platform at inaabisuhan nila ang mga gumagamit na huwag i-share ang kanilang account sa iba.

Ayon naman sa Maya, prayoridad nila ang seguridad ng mga account ng kanilang mga kostumer.

Bagaman nasa labas na ng sistema ang pagbebenta at pagbili ng mga account, inaabisuhan nila ang lahat na huwag itong pahintulutan, lalo't malalagay sa peligro ang mga account.

Kinondena naman ng CIMB Bank ang pagbili at pagbenta ng bank account.

Sineseryoso umano nila ang pagtugon laban sa mga scam at kahina-hinalang transaksiyon.

Ayaw din umano nilang magamit ang bangko sa krimen at patuloy na hinihigpitan ang kanilang seguridad.

Tiniyak din umano ng CIMB Bank na ligtas ang mga financial transaction sa kanilang bangko.

— Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.