PatrolPH

Diesel higit P6/L ang itataas sa Hunyo 7

ABS-CBN News

Posted at Jun 06 2022 01:10 PM | Updated as of Jun 06 2022 07:13 PM

Watch more News on iWantTFC

(UPDATE) Muling magkakaroon ng malaking pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo sa Martes, Hunyo 7, kasunod ng 2 sunod na linggong oil price rollback.

Base sa anunsiyo ng mga oil company, narito ang ipatutupad nilang price adjustment:

Caltex (Alas-12:01 ng hatinggabi)
DIESEL +P6.55/L
GASOLINA +P2.70/L
KEROSENE +P5.45/L

Shell, Seaoil, Petron, Flying V (Alas-6 ng umaga)
DIESEL +P6.55/L
GASOLINA +P2.70/L
KEROSENE +P5.45/L

PTT Philippines, Phoenix Petroleum, Petro Gazz, Jetti Petroleum (Alas-6 ng umaga)
DIESEL +P6.55/L
GASOLINA +P2.70/L

Cleanfuel (Alas-8:01 ng umaga)
DIESEL +P6.55/L
GASOLINA +P2.70/L

Ang oil price hike ay resulta ng desisyon ng maraming bansa sa Europa na ipagbawal ang langis na galing Russia.

Bahagi umano ito ng sanctions o parusa sa Russia dahil sa pananakop nito sa Ukraine, kaya nakikita ng ilang eksperto na tataas pa ang presyo ng petrolyo habang nagpapatuloy ang giyera roon.

Nagpatawag ng meeting ngayong Lunes ang Department of Energy sa mga kompanya ng langis para tiyaking sapat ang supply ng petrolyo sa Pilipinas hanggang Agosto.

Ang problema'y walang nakikitang factor ang gobyerno na maaaring makapagpababa sa presyo ng imported na langis sa world market sa mga susunod na linggo.

"So far... we will be expecting an increasing trend. 'Di natin masiguro ang amount," sabi ni Oil Industry Managemebt Bureau Director Rino Abad.

Bukod sa mga diskuwento ng mga gasolinahan na nakatali sa mga promo, walang magawa ang gobyerno para pigilan ang walang habas na taas-presyo ng petrolyo.

Sinisi naman ng grupong Bayan Muna ang Duterte administration, na ayaw anilang suspendehin muna ang excise tax sa petrolyo.

— Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.