Nasa 200,000 metriko tonelada ng imported na karneng baboy ang napagkasunduang unti-unting ipasok sa Pilipinas sa loob nang isang taon.
Napagkasunduan ito kamakailan sa Minimum Access Volume (MAV) Council meeting.
Kaya umalma ang mga magbababoy nang irekomenda ng ng inter-agency committee ng Department of Agriuclture (DA) na ipasok agad sa loob nang 3 buwan simula Hulyo ang kalahati ng bilang na ito.
"That’s a recommendation but we subjected that to a legal review if it contradicts the real intent of the executive order na dapat we have to bring in the supply so that mayroon impact doon sa price," ani Agriculture Assistant Secretary William Medrano.
"We have to bring in the supply, additional supply, so that ma-stabilize 'yong supply ng baboy from import and then to have a significant impact of reducing the price in the market," dagdag niya.
Tingin ni Nicanor Briones ng Pork Producers Federation of the Philippines, gustong ipasok ng DA ang 110,000 metric tons sa panahong ito para sa mas mababang taripa na 10 porsiyento.
Pagkatapos nito, aakyat na sa 15 porsiyento ang taripa sa imported na karne na pasok sa MAV.
"'Yong 60,000 mapapasama sa 10 percent lang ang tariff instead na 15 percent. Mawawalan na naman ng revenue ang gobyerno na P300 million," paliwanag ni Briones.
Kailangan pang aprubahan ng MAV management committee ang panuntunan para sa nakatakdang pagpasok ng mga imported na karneng baboy.
Balak ng hog raisers na iapela na sundin ang napagbotohang hati-hatiin sa isang taon ang 200,000 metric tons dahil hindi umano kakayanin ng Metro Manila ang napakaraming imported na karne.
Samantala, sa unang pagkakataon, nag-export ang Pilipinas ng mga sariwang okra sa South Korea.
Nauna nang nag-export ang bansa sa Japan.
"It took 10 years before this first commercial shipment is done," ani Agriculture Secretary William Dar.
"This will strengthen our efforts to support high value crops not only for consumption but for export," dagdag ng kalihim.
Umaasa ang DA at Department of Trade and Industry na marami pang high-value crops ang maipapadala ng Pilipinas sa ibang bansa bilang dagdag-kita ng mga magsasaka.
-- Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, agrikultura, karneng baboy, imported meat, imported pork, Department of Agriculture, Minimum Access Volume, Pork Producers Federation of the Philippines, export, okra, South Korea, TV Patrol, April Rafales