PatrolPH

Energy official: Suplay ng kuryente sa Luzon posible muling numipis sa susunod na linggo

ABS-CBN News

Posted at Jun 05 2021 07:06 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA—Posible muling numipis ang suplay ng kuryente sa Luzon sa susunod na linggo, ayon sa opisyal ng Department of Energy. 

Kasunod ito ng mga nararanasang rotational brownout sa Luzon, partikular na sa Kamaynilaan at mga karatig-lugar nitong nagdaang linggo. 

Ayon kay Mario Marasigan, bureau director ng DOE electric power industry management, sapat ang suplay ng kuryente ngayong weekend dahil mababa naman ang demand o pangangailangan ng mga kustomer. 


Pero sa Lunes at sa mga susunod na araw ay inamin niyang posibleng numipis muli ang suplay ng kuryente. 

"Definitely next week meron pa tayong yellow alert. Medyo tagilid kasi kami hanggang June 10 baka magkaroon tayo ng maliit na kakulangan sa suplay ng kuryente, kung kaya napipinto tayo magkaroon ng red alert," ani Marasigan. 

Ayon sa DOE, dapat magsaalang-alang ng ilang tips sa paggamit ng kuryente. 

Halimbawa rito ay ang pag-aaral ng appliances na gagamitin gaya ng air-conditioning unit na sadyang malakas kumokonsumo ng kuryente. 

"Kapag undersize ang ’yung aircondition unit, kahit ano pang technology pa yan — inverter or conventional — makunsumo ’yan kasi ’yung volume ng hangin na kaniyang palamigin ay hindi sapat sa maliit na sukat na air-conditioning system. Hindi rin puwedeng sobra-sobra, dahil kapag sobra naman malakas ang kinonsume relatively doon sa size pero hindi mo naman kailangan ’yung ganon kalamig," ani Marasigan. 

Makakatulong aniya kung may inverter ang aircon na bibilhin. 

" ’Pag pinagsama mo ’yan mas matipid na lalabas ’yung sa ating inverter kesa ’yung sa doon sa conventional kasi ’yung conventional natin mura per kada oras na kunsumo sa kuryente malaki," ani Marasigan. 

Kung may budget, mainam anilang mamuhunan sa solar panel. 

Alisin din ang plug ng appliance na hindi ginagamit at patayin ang ilaw kung wala namang tao sa kwarto. — Ulat ni Raya Capulong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.