ALAMIN: Isinusulong na COVID-19 'recovery program' para sa mga unemployed

ABS-CBN News

Posted at Jun 05 2020 06:34 PM | Updated as of Jun 05 2020 08:33 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Tatlong buwan natengga ang technician na si Jonathan Dollente. 

Nagsara kasi ang pinapasukan niyang security system provider. 

Kaya ang uniporme niyang hindi napaplantsa at mga gamit, inaalikabok na sa taguan. 

Nagkaroon lang siya ng P2,000 ngayong Biyernes, matapos sumideline sa pagde-deliver. 

"Kung ano lang mapasukan maam basta may makain lang OK na. Simula’t sapul itong COVID-19, nag-lockdown, talagang hirap wala talaga kami, zero-zero talaga kami,” ani Dollente. 

Pero mas problema ngayon ni Jonathan ang dalawa niyang anak, at mga magulang na umaasa sa kaniya sa Bicol. 

Sa datos ng Department of Labor and Employment (DOLE), 2.8 milyon ang lahat ng natigil sa trabaho sa formal sector, o ‘yong mga nagtatrabaho sa mga kompanya mula Enero. 

Hindi pa kasama rito ang mga nasa informal sector, mga self-employed, at mga government worker. Kaya sa datos ng Philippine Statistics Authority, pumalo sa 7.3 milyon ang nawalan ng trabaho nitong Abril. 

Hindi na ito ikinagulat ng DOLE na nauna nang nagsabing maglalaro sa 5 hanggang 10 milyon ang mawawalan ng trabaho sa tindi ng epekto ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic sa sektor ng services, retain, transportation, at sa tourism. 

“If you look at March, April and May ito yung supposedly 'yung mga graduates natin naghahanap ng trabaho, and dapat mas vibrant yung ekonomiya but 'yun nga dahil nahinto yung karamihan ng operasyon ng ating mga establishment, so even yung pag-join ng mga bagong entrants into the labor market ay naapektuhan,” ani Labor Asec. Dominique Tutay. 

Isang recovery program na ang isinumite ng DOLE kay Pangulong Rodrigo Duterte para sa emergency employment sa mga barangay o infrastructure programs ng gobyerno. 

Kabilang dito ang retraining para sa bagong skills, livelihood asssitance, at ang tinatawag na wage subsidy kung saan sasagutin ng pamahalaan ang bahagi ng sahod ng manggagawa. 

“Siguro po yung pagbangon natin nakikita natin yan by next year or in the next two years pa po para fully maka-recover po tayo,” ani Tutay. 

Ang ilang labor groups, nababahala sa matinding pagtaas ng underemployment. 

Ang Trade Union Congress of the Philippines, iginiit na dapat kinonsulta muna ang labor sector dahil may mga department order na pumapayag na bawasan ang sahod at benepisyo ng mga manggagawa, at suspensiyon ng labor inspection.

“This incredible rise of unemployment and underemployment is cause part of the lockdown and most in part by government policies and officials ineptitude. The way forward is genuinely consult labor and business groups in the drafting, implementation and monitoring of policies and programs,” ani TUCP sa pahayag. 

Para naman sa Defend Jobs Philippines, dapat may mass employment at dagdag-ayuda. 

Nasa poder ni Duterte ang pag-apruba ng recovery program. 

Pero kahit maipasa ito, 1 hanggang 2 taon pa ang nakikitang panahon ng DOLE bago tuluyang makabalik ang mga nawawalang trabaho at tuluyang makabangon ang ekonomiya ng bansa. 

— Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.