'Mango on the Go', inilunsad ng DA para tulungan ang mga mango growers

ABS-CBN News

Posted at Jun 05 2019 10:35 PM

MAYNILA - Inilunsad ng Department of Agriculture ang programang "Mango on the Go" para tulungan ang mga magsasaka para maibenta ang kanilang mga ani.

Kasunod ito ng pagdami ng produksyon ng mangga nitong mga nagdaang buwan.

Ayon kay Bernadette San Juan, director ng Agribusiness and Marketing Assistance Service ng DA, nakaapekto ang mainit na panahon at nararanasang El Niño sa pagtaas ng produksyon ng mangga.

Dahil dito, nagkaroon ng mas maraming suplay ng mangga kaysa sa inaasahan ng mga processor at iba pang regular na bumibili ng ani ng mga magsasaka.

Sa datos ng Philippine Statistics Authority, umaabot ng mahigit 500 thousand metric tons ang produksyon ng mangga sa bansa mula Abril hanggang Hunyo.

Noong Abril hanggang Hunyo 2018, higit 528,000 metric tons ang produksyon ng mangga sa bansa. Mas mababa ito ng 3.3 porsyento mula sa may 546,000 metric tons na produksyon noong 2017.

Bukod sa pagtulong sa mga magsasaka na makahanap ng buyer para sa kanilang mga ani, nag-aalok rin umano ng loan ang DA sa mga magsasaka para sa kanilang paghahanda sa susunod na panahon ng pagtatanim at pag-aani ng mangga.

Nauna nang kumalat sa social media ang mga larawan at post ng mga indibidwal na hinihikayat ang mga establisimyento, mga distributor at exporter na bilhin ang mga manggang ibinebenta ng mga magsasaka.

 

Gaganapin ang "Mango on the Go" sa susunod na linggo sa opisina ng DA sa Quezon City at sa Bureau of Plant Industry (BPI) Compound in Metro Manila.

 
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.