MAYNILA - Retirado na si Alfredo Villasanta, pero kumikita pa rin siya bilang consultant.
Ang parte ng kaniyang kinikita, ini-invest niya sa modified Pag-IBIG 2 savings (MP2).
"Relax na relax ka, darating na lang ang pera mo saka secured, guaranteed ng gobyerno, walang tax at saka di ka na mag-iisip na kung anong mangyayari gaya ng mai-iscam ka,” ani Villasanta.
Ang millennial naman na si Dayanara Bisnan, naengganyo ring maghulog sa MP2 para sa kaniyang kapatid.
Mas maigi raw na kahit bago pa lang siya sa trabaho ay nagsisimula na siyang mag-ipon.
"Medyo matagal ang 5 years, naka-lock siya for 5 years. Pero kapag in the long run, nakikita mo kasi kung magkano na hulog at saka kung magkano makukuha mo. It's worth the wait," ani Bisnan.
Sumipa ng 81 porsiyento ang pondo ng MP2 - Mula sa P4.7 bilyon, nasa lagpas P8.6 bilyon na ito mula Enero hanggang Abril 2021.
"Alam nila na in terms of track record ay nakakapagbigay [ito] ng better market returns in terms of savings," ani Pag-IBIG CEO Acmad Moti.
Taunan din ang bigayan ng dividends nang walang buwis. Nitong nakalipas na taon, naglalaro sa 6 hanggang 8 porsiyento ang dividend.
Lumobo rin ang bilang ng mga kumuha ng housing loan sa kabila ng pandemya, sa unang mga buwan ng 2021.
Lagpas P27 bilyon na ang naipautang mula Enero hanggang Abril na mas mataas nang 64 porsiyento sa 2020.
Tingin ni Moti na gustong magkaroon ng sariling bahay ang mga Pilipino. Kumpara rin sa bangko mas madaling mag-housing loan sa Pag-IBIG.
"Ang penalty natin ay 18 percent lang nu'ng hindi mo nabayaran. So kung hindi mo nabayaran ang P20,000 'yun lang may penalty. Unlike sa bangko kung nagbayad ka ng P1 million, 18 percent ng 1 million ang penalty mo," ani Moti.
Samantala, sa Social Security System, umaabot na sa lagpas P3 bilyon ang nakolektang mandatory savings ng mga miyembro.
Umarangkada na rin ang voluntary savings ng mga miyembro ng SSS.
"Kung gusto nilang dagdagan, gusto nila mas malaki, puwede sila sa provident fund na ino-offer ng SSS," ani SSS Member Education Department Head Atty. Marissa Mapalo.
Nakatali ang mandatory savings sa dagdag-kontribusyon ng SSS na hindi pa naman ipinapatigil ni Pangulong Rodrigo Duterte.
— Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, Pag-IBIG, Pag-IBIG Fund, savings program, housing loan, loans, savings, money, funds, pandemic, COVID-19, TV Patrol