ALAMIN: Mga brand ng karneng delata na ipina-recall dahil sa ASF

ABS-CBN News

Posted at Jun 04 2019 09:12 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inilabas ng Food and Drug Administration (FDA) ang listahan ng mga brand ng inangkat na delatang karne na ipina-recall nila dahil gawa ang mga ito sa mga bansang tinamaan ng African swine fever (ASF).

Sa listahang in-email ng FDA, kasama sa mga ipina-recall na brand ang mga sumusunod:

  • Narcissus
  • Heaven Temple
  • Ma Ling
  • Shabu Shabu
  • Sol Primo 
  • Wang Taste of Korea
  • Highway
  • Sky Dragon
  • Weilin

Kasunod ito ng apela ng grupong Philippine Association of Meat Processors Inc. (PAMPI) na pangalanan ang mga brand dahil posible raw maapektuhan ang mga lokal na brand kapag hindi inilantad ang listahan.

"Kung talagang totoo sila na they will be good, for the good of the welfare of the consumers, sabihin nila, itong brand na ito, huwag kayong bumili. That would be safer for all of us," ani PAMPI President Boy Tiukinhoy.

Sumang-ayon din si Laban Konsyumer President Vic Dimagiba sa panawagan ng PAMPI na paglalabas ng listahan.

"Purpose lang doon is right of information ng consumers and right of the consumer to make a choice. Importante kumpleto. Brand and country of origin," ani Dimagiba.

Iniutos ng FDA noong nakaraang linggo sa importers, dealers and distributors na bawiin ang mga pork product sa mga bansang may ASF.

Bagaman hindi peligroso sa tao, maaring ikamatay ng mga baboy ang ASF, isang sakit na nagdudulot ng pagdurugo sa kanilang internal organs. Maaari itong ikalugi ng pork industry.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.