'Di makatuwirang singil sa natenggang Meralco bill maaaring ireklamo: ERC

ABS-CBN News

Posted at Jun 03 2020 04:50 PM | Updated as of Jun 03 2020 06:09 PM

MAYNILA - Hinikayat ng Energy Regulatory Commission ang publiko na maghain ng reklamo sa kanilang tanggapan sakaling hindi makatuwiran ang sinisingil sa mga natenggang bill habang lockdown. 

Kasunod ito ng pag-arangkada ng paghahatid sa mga bill ng Meralco, kung saan nakalagay ang hatian ng bayarin sa natenggang bill noong may coronavirus lockdown. 

“Maaari pong 'di niyo po muna babayaran, maaari pong sa aming pag-aaral isa po 'yun sa relief na maaari naming ibigay sa consumer, na habang ang issue ay pending sa amin para pag-aralan maaari po munang walang gagawing disconnection,” ani Atty. Rexie Baldo-Digal, tagapagsalita ng ERC. 

Magugunitang inireklamo ang Meralco ng kanilang mga kustomer sa umano'y pagsipa ng electricity bill habang lockdown, bagay na itinuro ng Meralco sa natenggang bill habang lockdown. 

Ito ang naging daan para maglatag ng patakaran ang ERC kung saan ihihiwalay ang bill sa konsumong sakop ng community quarantine mula Marso 16 hanggang Mayo 30, 2020 - depende sa kinokonsumo ng kustomer. 

Nilinaw naman ng Meralco na walang putulan o disconnection sa ngayon, kaya nanawagan sila na huwag magpaloko sa mga naniningil para hindi maputulan ng kuryente. 

“Lahat ng sakop ng ECQ period... Walang exemption, lahat ng bills na sakup doon, huhulugan, di yan bibiglain,” ani Zaldarriaga. 

Samantala, ire-refund ng Meralco ang P50 milyong meter reading charge sa mga konsyumer na hindi naman nabasahan ng metro. — Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.