Wala pang kaso ng avian influenza sa Pilipinas- opisyal

April Rafales, ABS-CBN News

Posted at Jun 02 2021 05:41 PM

Wala pang kaso ng avian influenza sa Pilipinas- opisyal 1
Jonathan Cellona, ABS-CBN News/File

MAYNILA - Tiniyak ng Bureau of Animal Industry na nananatiling avian influenza-free ang Pilipinas matapos iulat ang unang kumpirmadong kaso ng H10N3 na strain ng avian influenza sa tao sa China nitong Martes.

Ang naturang strain ay low pathogenic, na ibig sabihin ay mababa ang posibilidad na kumalat sa mga tao, anila. 

Pero nagpaalala pa rin si Dr. Reildrin Morales, Director ng Bureau of Animal Industry, na dapat pa ring mag-ingat.

Maaari kasing makapasok ang sakit ng mga manok sa bansa sa pamamagitan ng migratory birds, o mga produkto na galing sa mga bansang may kaso ng avian influenza. 

Dahil dito, nakiusap siya sa mga uuwi sa Pilipinas na huwag magdala ng mga produkto galing sa mga bansang may kaso ng avian influenza. 

"Iwasan natin 'yung pagdala ng mga produkto galing sa mga bansa na ito na maaaring magdala ng sakit dito sa ating bansa. Maaari pong sasabihin ng ating mga kababayan na di naman natin alam itong mga bansa, itong mga produkto na ito na ibinabawal. Sa international ports may mga signages naman at maaaring itanong sa mga quarantine, i-declare natin 'yung mga dala-dala natin na mga goods.”

Malaki aniya ang magiging epekto kapag nakapasok sa bansa ang sakit. Maaaring mapilayan ang local poultry industry gaya ng nangyari sa hog industry matapos kumalat ang African swine fever.

"Akala natin maliit na bagay lang 'tong dala ko, isang kilong chorizo or isang pirasong smoked peking duck pero itong isang kilong chorizo or isang pirasong peking duck na ito maaari po niyang patayin 'yung ating industriya. Maraming mawawalan ng trabaho at tataas po 'yung bilihin,” ayon kay Morales.

Dagdag pa niya, patuloy na nakikipagtulungan ang BAI sa Bureau of Customs para bantayan ang pag-smuggle ng mga produkto galing sa mga bansa na may avian influenza. 

Kamakailan, 12 na container vans ang nadiskubreng naglalaman ng mga smuggled meat kagaya ng peking duck galing sa China.

Sa ngayon may pinaiiral na poultry ban ang Pilipinas sa China dahil sa iba’t ibang strain ng avian influenza doon. Ibig sabihin, bawal mag-angkat ang Pilipinas ng kahit anong poultry product galing sa China.

 KAUGNAY NA VIDEO: 

Watch more on iWantTFC