PatrolPH

Maharlika Investment Fund bill inaprubahan na ng Senado sa final reading

Karen De Guzman, ABS-CBN News

Posted at May 31 2023 04:53 AM

MAYNILA — Matapos ang 12 oras ng debate at pag-amyenda, inaprubahan na ng Senado sa third and final reading ang panukalang Senate Bill No. 2020 o Maharlika Investment Fund bill.

Sa botohan na 19-1-1, inaprubahan ng Senado ang naturang panukala ngayong Miyerkoles, alas dos y medya ng madaling araw.

Hinimay at binusisi ng mga senador ang mga probisyon ng panukala na nais nilang amyendahan.

Isa na dito ang pagbabawal sa government social welfare entities tulad ng GSIS, SSS, PhilHealth, Pag-IBIG, OWWA, at PVAO na mag-invest ng kanilang pondo sa MIF upang matiyak na mailalaan lang ang pondo nito para sa kapakananan ng mga Pilipino at hindi magagalaw ang pinaghirapan na pension fund.

Napagkasunduan rin na sasailalim sa special audit ng Commission on Audit ang Maharlika Investment Corporation kada limang taon

Bubusisiin din ito ng bubuuing MIF oversight committee para i-monitor at i-evaluate ang pagpapatupad nito.

Papatawan naman ng multang mula P5M hanggang P10M ang mga opisyal ng MIC na madadawit sa katiwalian.

Samantala, iminungkahi na isalin sa Filipino ang lahat ng dokumento upang mas maintindihan ang MIF bill at ilalathala rin ang mga report ng MIC sa kanilang website na bukas para sa publiko.

KAUGNAY NA ULAT

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.