PatrolPH

Amyenda sa Senado: GSIS, SSS, PhilHealth pagbabawalan mamuhunan sa Maharlika Investment Fund

Johnson Manabat, ABS-CBN News

Posted at May 30 2023 11:24 PM

gsis

MAYNILA — Ipinatiyak ni Sen. Raffy Tulfo sa Senado na hindi papayagan ang mga government financial institutions (GFIs) o government-owned and controlled corporations (GOCCs) na mamuhunan sa Maharlika Investment Fund.

Sa general debate ng Senado nitong Martes ukol sa panukalang Maharlika Investment Fund (MIF), agad na isinagawa ang ilang individual amendments. Inisa-isa ng mga mambabatas ang mga pahina ng panukala at binusisi ang mga nais nilang amyendahan o palitang salita na lalamanin ng bersyon ng Senado.

Kasama sa mga ahensiya na binawalan mamuhunan sa Senate version ay GSIS, SSS, Philhealth, Pag-ibig Fund, Philippine Veterans Affairs Office Pension Fund at iba pang social welfare entities ng gobyerno.

Ayon kay Tulfo, ito ay para masigurong hindi maoobliga kalaunanang naturang mga GOCCs at GFIs na maglagak ng kanilang pondo bilang investment sa MIF.

“The purpose of the amendments is to ensure that the ownership of the Maharlika Investment Corporation shall by exclusively with the government including its GOCCs and its instrumentalities…this way we can allow investment from private sector thru the Maharlika Investment Fund without giving up ownership and control beneficial or otherwise of the Maharlika Investment Corporation," aniya.

Pagbabawalan aniya ang mga nabanggit na ahensiya ng gobyerno na bumili ng shares sa Maharlika Investment Corporation at sa ganitong paraan matitiyak na mailalaan lang ang pondo nito para sa kapakananan ng mga miyembro at contributor nito o ang mga Pilipino.

Bagamat hindi agad naging available sa mga mambabatas ang hard copy o printed copy ng panukalang MIF dahil nasa online drive pa ito, nagkasundo umano sila na ituloy na rin ang pag-amyenda at ipinakita na lang muna sa screen o monitor sa plenaryo ang mga pahina ng panukala habang nag-iimprenta pa ng kopya nito.

KAUGNAY NA ULAT

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.