BSP nagpaalala sa pagbayad ng bank loans sa napipintong pagluwag ng lockdown

ABS-CBN News

Posted at May 29 2020 05:37 PM

Ngayong papasok na sa general community quarantine ang Metro Manila at iba pang high-risk areas ng bansa, nagpaalala ang Bangko Sentral ng Pilipinas sa pagbabayad ng mga car loan at bank loan na natengga habang lockdown. 

Sa isang pahayag, sinabi ng BSP na magsisimula na ang “grace period” sa mga bayarin sa bangko gaya ng car at bank loan. 

Ayon sa “Bayanihan To Heal As One Act” magtatagal nang 60 days ang nasabing grace period, na magsisimula kapag naalis na ang enhanced at modified enhanced community quarantine sa buong bansa. 

“The mandatory grace period under the Bayanihan Act shall only apply if there are still areas in the country under ECQ or MECQ. The application of the mandatory grace period shall cease once the ECQ and MECQ are lifted in the entire country,” ayon sa BSP sa isang pahayag. 

Pero paliwanag ng BSP, hindi dapat patawan ng interes ang mga ito o ibang penalty at fee, maliban na lang sa orihinal na interes noon utang. 

Nakatakdang isailalim sa general community quarantine ang Metro Manila, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Pangasinan, Albay, at Davao City simula Lunes, Hunyo 1, pero may iilang lugar na noo’y nasa enhanced community quarantine na iaapelang ilagay na sila sa GCQ. 

Ililipat naman sa modified general community quarantine ang nalalabing bahagi ng bansa. 

 MONEY MULE SCAM 

Samantala, nagbabala ang Banco De Oro (BDO) sa mga scam gaya ng “money mule scam.” 

Dito, mag-aalok ang mga scammer ng malaking pera sa taong ipapahiram ang kaniyang bank account o ang mga tinatawag na money mule. 

Babala ng BDO, ginagamit ng mga scammer ang hiniram na personal bank account para makatanggap ng cash deposit o online transfers ng illicit o iligal na pera na nagpapanggap na lehitimong transaksyon para sa COVID-19 donations. 

“Once recruited, these ‘money mules’ allow the scammers to use their personal bank accounts to receive cash deposits or online transfers from illegal sources posing as legitimate transactions such as charity or COVID-19 donations, among others,” ayon sa BDO. 

Puwedeng makulong ang mga money mule nang hanggang 7 taon, base sa Anti-Money Laundering Act. 

Kaya apela ng bangko, huwag ipagamit sa kahit sino ang mga bank account o kahit credit card.

— Ulat ni Bruce Rodriguez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.