ALAMIN: Hatian ng bayarin sa natenggang lockdown water bill

ABS-CBN News

Posted at May 29 2020 05:20 PM | Updated as of May 29 2020 06:41 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA (UPDATE) - Hahatiin na sa tatlo o apat na buwan ang naipong konsumo ng tubig sa buong panahong may enhanced community quarantine at modified enhanced community quarantine, ayon sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System. 

Ayon sa MWSS, sa Hunyo na sisimulan ang meter reading ng Maynilad at Manila Water. 

Para maiwasan ang bill shock, hahatiin ang mababasang konsumo ngayong quarantine period sa 3 o 4, depende kung kailan huling nabasa ang metro. 

"Kailangan po nilang i-verify po at tingnan ang consumer patterns ng consumers at titingnan po nila for any irregularities," ani Patrick Ty, chief regulator ng MWSS.

Halimbawa, kung ang huling meter reading ay Pebrero 20, hahatiin sa apat ang naipong konsumo. 

Kung ang last reading naman ay March 15, bago mag-lockdown, hahatiin sa tatlo ang naipong konsumo. 

Paliwanag ng MWSS, lalaki agad ang konsumo ng mga konsumer kung hindi hahatiin. At kung mataas ang konsumo, mas mahal ang rate ng tubig. 

Maaaring bayaran ng lifeline users, o iyong kumokonsumo ng hanggang 10 cubic centimeters hanggang Agosto 31. 

Kung mahigit 10 cubic meters ang gamit, maaaring bayaran ang bill hanggang July 31. 

Kung online binabayaran ang tubig kahit walang bill, gaya ng auto-debit, ibabawas din ito sa kabuuang bayarin. 

"Lahat ng ibinayad po nila ibabawas po doon sa previously unpaid amounts, yun naman po ang magiging kabuuang total amount due para sa buwang ito," ani Maynilad spokesman Zmel Grabillo. 

— Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.