Presyo ng de-latang sardinas, tataas

ABS-CBN News

Posted at May 28 2018 10:32 PM | Updated as of May 29 2018 07:24 AM

Watch more in iWant or iWantTFC

Inaprubahan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang dagdag na P0.50 sa presyo ng mga de-latang sardinas dahil umano sa pagmahal ng raw materials.

Ayon kay Trade Secretary Ramon Lopez, mas mababa ang naaprubahang halaga sa P1 hanggang P2 dagdag-singil na hinihiling ng pito sa siyam na nangungunang brand ng de latang sardinas.

Nilinaw ni Lopez na hindi dahil sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law ang taas-presyo kundi dahil sa pagmahal ng imported tinplates.

Ayon sa vice president ng Century Pacific Corp. na si Cezar Cruz, humiling sila ng taas-presyo para matugunan ang gastos sa tin, carton, at diesel.

"Wala na tayong magawa, talagang wala na. Hindi mo na maasahan ang mga presyo na dati kasi dahil sa mga price increases," sabi ni Cruz, na dating nagsilbing pangulo ng Canned Sardines Association of the Philippines.

Ang Century Pacific Corp. ang kompanyang gumagawa ng mga brand ng sardinas na 555, Blue Bay, at Lucky 7.

MGA BILIHIN, BINABANTAYAN

Bunsod ng pagmahal ng presyo ng ilang bilihin, ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa DTI na paigtingin ang pagbabantay sa mga presyo at hulihin ang mga nananamantala.

Nag-ikot nitong Lunes sa Comembo, Makati si Trade Secretary Lopez para sa market monitoring.

Ayon kay Lopez, sumusunod naman sa suggested retail price (SRP) ang mga tindahan.

Pero may isang nahuli si Lopez na nagbebenta ng school supplies na mas mataas sa SRP.

Ibinebenta ang crayons sa halagang P49, mas mataas sa SRP nitong P47.75.

Matapos kausapin ng DTI ang supervisor ng supermarket, agad nitong inayos ang presyo.

"Nagkaproblema kasi gawa ng 'di pa namin na-check 'yong presyo pero ngayon kaya naman namin tinapat sa DTI price," anang supervisor na si Rely Manlao.

Inaasahan ng DTI na maaaring humingi pa ng taas-presyo ang mga manufacturer na apektado sa mas mahal na petrolyo sa loob ng isa o dalawang buwan. 

Pero dapat umanong patunayan muna ng mga negosyante na kailangan talaga nila ang umento sa presyo.

Patuloy naman ang pagsuyod ng mga tauhan ng DTI sa mga pamilihan upang matiyak na sumusunod ang mga ito sa SRP.

-- Ulat ni Warren De Guzman, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.