'Balik-bayad sa mga apektado ng krisis sa tubig dapat dagdagan'

ABS-CBN News

Posted at May 27 2019 07:35 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inihirit ng isang kongresista na dagdagan ang balik-bayad sa mga residenteng labis na naapektuhan ng problema sa suplay ng tubig ng Manila Water.

Ayon kay Gabriela party-list Rep. Emmi De Jesus, dahil hanggang ngayon ay libo-libong residente pa rin ang walang tubig buong araw, dapat pang dagdagan ang "rebate" o iyong balik-bayad ng Manila Water sa lahat ng mga apektadong kostumer.

Papatak sa water bill sa Hunyo ang balik-bayad ng Manila Water.

Lahat ng kostumer ay may bawas na P153.93 o katumbas ng unang 10 cubic meters na konsumo. May rebate naman na P2,197.94 ang mga kostumer na "severely affected" o nakaranas ng walang tubig sa loob ng 7 araw.

Pero ayon sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), todo na ang parusang ipinataw sa Manila Water.

Kapag hindi pa naibalik sa normal ang sitwasyon sa tubig sa Setyembre, doon lang umano dodoblehin ang penalty na higit P500 milyon.

Ayon naman sa Manila Water, ginagawa na nila ang lahat para bumalik ang suplay at pressure ng tubig.

Nakaranas noong Marso ng mahinang suplay hanggang sa tuluyang pagkawala ng tubig ang 1.2 milyong kabahayang sineserbisyuhan ng Manila Water sa silangang bahagi ng Metro Manila at sa Rizal province.

BAGONG ADMINISTRATOR, CHAIRMAN

Samantala, umikot na sa MWSS ang papasok na administrator na si Ricardo Morales, isang retiradong heneral.

Utos daw sa kaniya ni Pangulong Rodrigo Duterte na huwag nang maulit ang nangyaring problema sa tubig ng Manila Water.

Wala pang papel si Morales bilang kapalit ni administrator Reynaldo Velasco, na isa ring retiradong heneral at sinasabing papalit namang chairman ng MWSS.

--Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.